MANILA BAY RECLAMATION PROJECTS BANTA SA BUHAY NG 14M PINOY?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

HINDI natin maintindihan kung bakit hindi isinasaalang-alang ang kaligtasan ng mga Pilipino sa mga proyektong ipinatutupad ng gobyerno.

Ang binabanggit natin ay ang reclamation projects na ginagawa ngayon riyan sa Manila Bay na ang gumagawa ay ang China Communications Construction Co.

Maging ang US Embassy ay nagpahayag ng pagkabahala sa nasabing proyekto na posibleng 14 milyong Pilipino ang maaaring malagay sa panganib ang buhay sa darating na mga panahon.

Bukod sa isyung pangseguridad, duda rin ang US sa posibleng epekto ng proyekto sa darating na mga panahon kabilang na ang may kinalaman sa environment.

Dahil dito, si US Embassy Spokesperson Kanishka Gangopadhyay ay palagian ang pakikipag-ugnayan sa Philippine government bunga ng posibleng negatibong epekto ng mga proyekto sa kapaligiran, katatagan ng Manila Bay, kalapit na mga lugar at maging sa negosyo.

Sinabi pa ng Amerika na ang nabanggit na Chinese company ay kasama sa US Department of Commerce’s Entity List dahil sa pagtulong nito sa Chinese military na bumuo ng militarized artificial islands sa West Philippine Sea (WPS).

‘Yun naman pala eh, bakit tinatangkilik pa ito ng gobyerno ng Pilipinas?

Inagawan na tayo ng karagatan, gusto n’yo pa pati ang Manila Bay ay sila na rin ang magmay-ari?

May lumabas pang ulat na tinukoy ng World Bank at Asian Development Bank na itong kumpanya ay sangkot sa fraudulent business practices.

May babala na, hindi pa naalarma ang mga opisyal ng gobyerno. Hoy Gising!!! Baka mamaya, pagdilat n’yo ay puro singkit na ang nagmamay-ari ng Pilipinas.

Okey lang kung hindi na kayo gigising para hindi na rin matuloy ang reclamation projects sa Manila Bay na ‘yan.

Mismong si Department of the Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Toni Yulo Loyzaga ay nagsabing delikado ang proyekto.

Aniya, dapat ikonsidera ang pinangangambahang “The Big One” o magnitude 7.2 pataas na lindol at ang banta ng tsunami sa reclamation projects.

Ayon naman sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), kailangang tingnan ang pagtaas ng sea level at iba’t ibang geological events. “Trenches and faults are two earthquake generators that can generate tsunamis,” pahayag pa ng PHIVOLCS. Dahil inilalagay umano nito sa panganib ang buhay ng 14 milyong Pinoy.

Napag-alaman ng PUNA na may 22 reclamation projects ang nakalatag ngayon sa Manila Bay. Tsk! Tsk! Tsk!

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

244

Related posts

Leave a Comment