MAPAPAMURA KA TALAGA EH

DPA ni BERNARD TAGUINOD

GUSTO kong malaman kung saan bumibili ang mga taga- National Economic and Development Authority (NEDA) ng pagkain na nagkakahalaga ng P64 para sa agahan, tanghalian at hapunan para naman makatipid ako.

Baka naman puwedeng i-share ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan saan nakabibili ng pagkain sa ganyang halaga dahil sa totoo lang ginagawa na lahat ng mga tao ang paraan para pagkasyahin ang kanilang budget pero kulang na kulang pa rin.

Mantakin niyo ha, kung 21 pesos at 33.3 centavos lang ang budget mo sa pagbawat kain, ang laking tipid niyan kaya baka naman Secretary Balisacan ay mai-share n’yo kung saang karinderya mabibili ang pagkain na ‘yan.

Nagtanong-tanong ako sa mga kapitbahay ko kung may alam silang karinderya na pwedeng makabili ng pagkain sa halagang P21 na mabubusog na ako at makakargahan na ng sustansya ang katawan ko.

Napamura ang kapitbahay ko, Secretary Balisacan, dahil kahit ikutin mo ang buong Metro Manila ay wala kang makikitang karinderya na sa halagang P21 lang ay pwede ka nang mabusog.

Kahit sa mga probinsya, wala kang makikita na ganyang halaga ng pagkain dahil sa kanin pa lang ay P10 hanggang P15 na ang presyo at kung pritong itlog ang ulam mo, walang nagbebenta ng P15 dahil ang presyo ng fresh egg ngayon ay P12 na.

Last week lang, bumili ako ng dinuguan sa isang karinderya sa gilid ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na kaharap ng Batasan Pambansan Complex, at ang halaga ay P75 ang bawat order at hindi pa kasama ang kanin d’yan ha.

‘Yung tortang talong, P45 na ang bawat order, kung isasama mo pa ang kanin ay P60 na. Isang kainan pa lang ‘yan Mr. Secretary, kaya anong sinasabi niyo na P64 lang ang kailangang sa buong maghapon para masabi mong hindi ka “pobre sa pagkain”?

Kaya mapapamura ka talaga eh, dahil kulang na lang sabihin sa atin ng NEDA, ang gastos niyo naman kung lagpas sa P64 ang budget n’yo sa buong maghapon sa pagkain o kaya pagkasyahin n’yo kasi ‘yan dahil ‘yan lang ang kayo n’yo.

Hindi kaya taktika lang ito ng gobyerno ni Marcos Junior para panindigan ang pagkakait nila sa dagdag na sahod sa mga manggagawa at burahin ang naghuhumiyaw na katotohanan na pataas nang pataas ang bilang ng mga mahihirap at naghihirap sa Pilipinas?

Noong Abril 2024, 46 percent o halos kalahati ng pamilyang Pilipino ay nagsabi na sila ay mahirap at 33% sa mga ito ay halos walang makain dahil bukod sa walang regular na income ay pataas nang pataas ang presyo ng mga bilihin.

Eto ba ang gustong burahin ng NEDA at palabasin na okey ang mga Filipino dahil inutil sila na resolbahin ang inflation rate? Kayo ha, ang hilig niyong magmaniobra.

43

Related posts

Leave a Comment