MARCOS ADMIN BIGO SA PROYEKTONG PABAHAY

TINAWAG ng isang mambabatas na kabiguan ang flagship housing program ng gobyerno matapos na hindi maisakatuparan ng Department of Human Settlements and Urban Development ang target nitong isang milyong pabahay kada taon sa unang dalawang taon ng administrasyong Marcos Jr.

Ayon kay ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, pinaniniwalaan ng mamamayan ang mga sinasabi ng matataas na opisyal ng gobyerno kaya bigo at nagkamali ito sa isang milyon kada taon.

Gayunman, umaasa ang mambabatas na sa pangatlong taon ay maitayo ang isang milyon.

Paliwanag ni Rep. Toby Tiangco, ang sponsor ng budget ng DHSUD, naisakatuparan ang inisyal na modelo para sa programa dahil sa pondo.

Sa House plenary debates sa panukalang 2025 budget ng DHSUD, inamin ni Tiangco na hindi nakamtan ang target dahil ‘yung unang modelo ng paghabol sa housing backlog ay hindi natugunan ng mga developer.

Hindi rin aniya sapat ang pondo para makapagtayo ng isang milyong pabahay kung ang pagbabasehan ay ang pondong manggagaling sa GAA (general appropriations fund). Dahil dito, naisip ng DHSUD na mag-iba ng business model para maengganyo ang pribadong sektor at developer.

Nangangailangan ang DHSUD ng P4 trillion para makapagpatayo ng P3.2 million housing units hanggang 2028. Sa nasabing pigura, higit sa 12,000 ang inaasahang makukumpleto sa katapusan ng kasalukuyang taon, 168,000 sa susunod na taon, 595,000 sa 2026, 1.35 million sa 2027 at 1.1 million in 2028.

Bakit tinapyasan ng kalahati ang target ng DHSUD na 6 milyon pabahay at umabot na lamang sa 3.2 milyon?

Sinabi noon ng NEDA na ginawang tatlong milyon na lamang ang inaasam na anim na milyong housing unit ng pamahalaan upang hindi maapektuhan ang ibang programa na kailangan ding pondohan ng gobyerno, gaya ng sektor ng edukasyon, kalusugan at imprastraktura.

Kailangan aniyang mabalanse ang mga pinagkakagastahan upang hindi maapektuhan nang husto ang ekonomiya.

Kung gayun, may pagkukulang at pagkakamali sa implementasyon ng flagship housing program ng gobyerno.

Magagawa ng gobyerno ang programang pabahay kung isasagad nito ang intensyong mabigyan ng disente at abot-kayang pabahay ang mga kwalipikado sa nasabing programa.

Kung hindi kaya, makabubuting aminin ng pamahalaan na hindi maisasakatuparan. Kung mangangako na kakayanin ay dapat ipakita at iparamdam sa mga umaasa na ngayon ay matutupad ang pangako.

Subalit, ang maaaring gawin ng gobyerno para umusad ang implementasyon ng pabahay ay limitahan ang bilang nang hindi ganap na bigo ang programa.

Kaysa naman ipagyabang na kaya ang mahigit 3 milyong pabahay, mas mabuting aminin na babawasan na lang ito. Mabawasan man lang ang pagkadisgusto ng mamamayan sa sistemang umiiral sa gobyerno.

71

Related posts

Leave a Comment