MAS MADALI NANG MAGREHISTRO PARA MAKABOTO SA 2025

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

MAHALAGANG bahagi ng demokrasya ang halalan dahil nagbibigay ito ng kapangyarihang pumili at magluklok ng pinuno na maganda ang layunin para sa mga nasasakupan.

Hindi madaling magpatakbo ng halalan at mataas ang lebel ng seguridad na kinakailangan. Kung minsan, talagang nagiging delikado at nagkakaroon ng gulo – na patunay rin kung gaano ito kahalaga.

Kung wala lang ito, bakit mayroong bilihan ng boto, siraan, patayan, at iringan sa mga magkakalabang dapat naman ay pare-parehong kapakanan ng mamamayan ang inaatupag.

Hindi rin pansarili lang ang pagboto, dahil mahalaga ito para masigurong pati ang susunod na mga henerasyon ay makikinabang sa magaganda at nakatutulong na programa, polisiya, at batas.

Makatutulong din ito sa pagtutulak ng pagbabago at pagpapaunlad ng ekonomiya, at pati na rin sa pagpapatakbo ng bansa, kung saan naka-angkla ang kinabukasan ng mga Pilipino.

Hindi lang karapatan ang pagboto. Kung tutuusin, tungkulin natin ito bilang mamamayan. Kaya nga maganda talaga itong bagong inisyatiba ng Commission on Elections (Comelec) na “Register Anywhere” program (RAP) na naglalayong mas tumaas pa ang turnout o bilang ng boboto sa halalan sa susunod na taon.

Sa ilalim ng proyekto, hindi na kailangang nasa place of residence para magparehistro. Kahit saan, pwede magpasa ng aplikasyon. Bukod sa new registration, kasama na rin sa programa ang transfer of registration mula Municipality/City at District gayundin ang transfer of registration mula overseas. Pwede ring mag-correct ng mga detalye, magpalit ng status at mag-activate para sa mga na-deactivate dahil sa hindi pagboto.

Para maging mas madali sa maraming Pilipino na magrehistro at makaboto, malaki ang tulong na nakipag-ugnayan ang Comelec sa iba’t ibang malls sa Metro Manila, Central Visayas, at Bicol region para rito.

Hindi na kailangan sadyain ang Comelec offices dahil ayon sa Comelec, nasa 170 malls ang makikilahok sa programa.

Kasama na riyan ang SM Supermalls, Megaworld Lifestyle Malls, Robinsons Malls at Filinvest Malls.

Hindi rin tumitigil ang Comelec para hikayatin ang mas marami pang Pilipino na bumoto.

Nito lamang nakaraang linggo, dinala na rin ng Comelec ang RAP sa opisina ng Meralco sa Pasig City para sa mga empleyado ng kumpanya, na karamihan ay frontliners na laging naka-duty.

Dahil sa programa, mas madali at accessible ang pagpaparehistro at pag-aayos at pag-update ng mga detalye ng mga botante – saan man silang lugar boboto!

Binanggit ni Meralco EVP at COO Ronnie Aperocho na malaki ang tulong ng RAP sa “geographical barrier” na nagiging pagsubok para sa maraming gusto naman talagang bumoto.

Tumakbo ng dalawang araw ang RAP sa Meralco, na lubos na suportado rin ng lokal na pamahalaan ng Pasig.

Mismo ngang si City Administrator Atty. Jeron Manzanero ang nagsabing sila mismo ang tutulong sa Comelec sa adbokasiyang ito para mas marami pa ang makinabang.

Salamat talaga sa Comelec! Sana mas marami pang mga Pilipino ang mag-take advantage at sulitin ang programang ito para makaboto sila sa paparating na halalan.

Bukod sa pagiging karapatan, isa itong oportunidad na pumili ng lider na totoong makatutulong at magsasaalang-alang sa kapakanan ng nakararaming Pilipino.

70

Related posts

Leave a Comment