DPA ni BERNARD TAGUINOD
SA napapanood kong mga dating pelikula na may kinalaman sa pag-eespiya, buwis buhay ang pagnanakaw ng mga secret agent tulad ni James Bond, ng mga dokumento na hawak ng mga kalaban.
Pero ngayong panahon ng digital age, ang dali na para sa secret agents na nakawin ang mga importanteng dokumento ng mga kalabang bansa dahil ilang pindutan lang sa computer ay pwede mo nang makuha ang files na gusto mo.
Pagaling nang pagaling na ang hackers habang paunlad nang paunlad ang information technology kaya kahit ang government offices sa United States (US) ay naha-hack ng hackers mula sa China.
Ang masaklap, hindi na para sa kapakanan ng mga bansa ang dahilan sa pagnanakaw ng mga importanteng dokumento tulad ng misyon ng secret agents, kundi para para ipatubos o kaya ibenta sa cybercriminals.
Pero ang pinakamasaklap, hindi kaya ng gobyerno, lalo na sa Pilipinas, na proteksyunan ang hawak nilang mga datos ng kanilang mamamayan dahil lumalabas na ang hina nila kumpara sa hackers.
Pagaling nang pagaling ang hackers habang tumatagal pero ang gobyerno mukhang napag-iiwanan sa kabila ng pondong ibinigay sa kanila ng taumbayan para protektahan ang mga impormasyong hawak nila hinggil sa pagkakakilanlan ng kanilang mamamayan.
Hindi ko matanggap na kaya napasok at nanakaw ng hackers ang mga impormasyon ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), ay dahil paso na ang kanilang firewall at security features.
May pera naman ang ahensya para rito pero hindi raw agad nakapag-upgrade dahil sa haba ng proseso sa procurement rules ng gobyerno. Palusot na lang ito sa palagay ko, dahil alam pala nila na mahaba ang proseso ay hindi agad sila kumilos para bago mapaso ang kanilang security features ay may pamalit na agad sila.
Nagdududa tuloy ang mga tao kung kaya ba talaga silang proteksyunan ng gobyerno lalo na’t lahat ng mga impormasyon hinggil sa kanilang pagkatao ay hawak na ang gobyerno at maging ang pribadong sektor.
Mantakin mo ha, hawak ng Social Security System (SSS) ang lahat ng impormasyon ng mga pribadong tao habang ang Government Service Insurance System (GSIS) ang may kontrol naman sa mga impormasyon ng mga taong gobyerno bukod sa PhilHealth.
Hindi pa nakuntento, ipinilit pa sa atin ang National ID system kung saan maging ang mga bagong panganak ay dapat nang irehistro kahit hawak na ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang lahat ng impormasyon ng mga Filipino.
Marami tuloy ang kinakabahan na mas napadali ang mga ginagawa ng hackers dahil hindi na kailangang atakehin ang lahat ng mga ahensya dahil ang kumpletong impormasyon ng bawat mamamayang Pilipino ay nasa sistema na ng PSA. ‘Wag naman sana.
235