MAY ITINATAGO NGA BA SI VP SARA?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NOONG nakaraang congressional hearing na ginanap noong September 18, 2024, pabalang at pabastos na tumanggi si Sara Duterte, ang nanunungkulang bise presidente ng bansa at nakaraang kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon, na sumumpa bilang isang resource person.

Ayon sa kanya, siya ay hindi naroon bilang isang testigo kundi bilang isang resource person lamang kung kaya’t hindi siya dapat sumumpa. Ibig sabihin, naroon lamang siya bilang isang reference at hindi niya kailangang magsabi ng totoo.

Puwede siyang sumagot sa kahit anong paraan na gusto niya at puwede niyang sabihin ang kahit anong gusto niya. Tulad nga ng sabi nila, ang isang brat ay habambuhay nang brat.

Ang kanyang mariing pagsuway ay nagpapakita na mayroon siyang itinatago. Ayon sa kamakailang mga balita, mas pinapaboran ng mga Duterte ang paglilihim kaysa pagiging makatotohanan – sa confidential funds, kaysa paglilinaw kung saan inilaan ang budget.

Matatandaang tumanggi si Sara Duterte na depensahan at sabihin kung saan ginamit ang pondong inilaan para sa Office of the Vice President (OVP).

Pinipilit din niyang ipakansela ang pagdinig sa budget dahil wala raw pinagbabasehan ang lahat ng mga paratang sa kanya at puno lamang ng pamumulitika ito.

Ang ayaw lang naman talaga niyang malaman ng publiko ay iyong ginamit umano ang pera na inilaan para sa OVP, sa personal na gastos ng pamilyang Duterte. Personal silang nakinabang dito dahil ginamit ito sa kanilang sindikato.

Hindi kaya ang confidential funds ay ginamit para iligpit o alisin ang lahat ng maaaring magbanta sa ilegal na negosyo ng mga Duterte? Sa totoo lang, kung wala siyang itinatago at talagang inosente siya sa lahat ng mga paratang sa kanya at sa pamilya niya, makikipag-isa siya sa mga kongresista, hindi iyong nagpipilit pa siya sa gusto niya.

Tulad ng ipinakita niyang ugali noong budget hearing, ipinakita niya pa rin na wala siyang galang at dapat na “take it or leave it” ang mga kongresista sa mga isasagot niya.

Sinusubukan niyang gayahin si Digong sa pamamagitan ng pagpapakita na kaya niya ang lahat ng mga humaharang sa kanya.

Ayon sa kanya, walang karapatan ang mga kongresista na kuwestiyunin siya at ang paraan niya ng paggastos sa perang inilaan para sa confidential funds ng OVP.

Ang kaso, hindi naman nagmukhang nakatatakot si Sara Duterte. Nagmukha lang siyang bata na nag-aalboroto kasi ayaw sumunod ng mga tao sa kanya. Tulad nga ng tawag sa kanya na “Baby Dutz” – kumikilos siya na para bang isang baby o isang brat o bratinella.

Dati nang itinanggi ni Sara na isa siyang spoiled brat. Ayon sa kanya, pinupulitika lang ng mga kalaban ng mga Duterte, ang lahat ng ikinikilos niya upang sirain ang magandang pangalan ng mga Duterte at para walang bumoto sa kanya sa 2028.

Kung ayaw pala niyang matawag na brat, sana hindi siya kumikilos at nag-iinarte na parang isang brat. Ang problema kasi, akala niya ay umiikot pa rin ang mundo sa kanya at sa pamilya niya at mayroon pa rin silang napakalaking impluwensiya.

67

Related posts

Leave a Comment