MEDICAL AT LEGAL MISSIONS NINA GOV. HELEN TAN AT CONG. MIKE TAN

TARGET NI KA REX CAYANONG

KALIWA’T kanan pa rin ang mga programa ni Gov. Helen Tan ng Quezon province.

Aba’y dumarami naman kasi ang mga nagiging benepisyaryo ng kanyang mga proyekto.

“Mula sa bayan ng Panukulan at Polillo, kasunod nating nilakbay ang bayan ng Burdeos para sa ikatlong araw ng tuloy-tuloy na pag-arangkada ng ating Health Caravan sa Polillo Group of Island,” wika ng masipag na gobernadora.

Sinasabing katuwang nila rito ang mga doktor mula sa East Avenue Medical Center, Rizal Medical Center, Integrated Provincial Health Office, at mga private doctor.

Buong araw silang nagsagawa ng medical mission sa bayan ng Burdeos kamakailan.

Kabilang sa mga serbisyong handog ng caravan ay ang medical check-up, dental extraction, minor surgery, eye check-up, UTZ, X-Ray, ECG, FBS, urinalysis, CBC, tuli at PCV 13 vaccination na lahat ay libre.

“Nagpapasalamat tayo sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, mga doktor mula sa ibang ospital, pribadong sektor, sa ating mga kalakbay sa pamahalaang panlalawigan, at lokal na pamahalaan na tumulong upang ilapit sa ating mga kababayan ang serbisyong medikal,” sabi ni Gov. Tan.

Bukod dito, nagkaroon din ng kaparehong serbisyo sa bayan ng Jomalig kung saan tinawag itong “Lingap sa Mamamayan” at “Libreng Gamutan.”

May mga programa rin si Gov. Tan para sa mga kababaihan.

“Nakakatuwang makasama ang mga kababaihan sa bayan ng Patnanungan na pinangungunahan ng 4K. Nakipagpulong tayo at nakapagbigay ng tulong para sa dagdag nilang pagkakakitaan,” pahayag ni Gov. Tan.

“Kaalinsunod nito ay ang makaharap at makapulong ang mga pinuno ng bawat barangay kaugnay sa iba pang mga proyekto at programa na ating ihahatid sa kanila. Namigay tayo ng tulong pinansiyal at mga kagamitan na makakatulong sa kanilang kabuhayan.”

Samantala, patuloy naman ang pag-arangkada ng programang “Mike KasaguTAN: Konsultahang Legal” ni Cong. Atorni Mike Tan.

Katunayan, nagsagawa ang tanggapan ng kongresista ng dalawang araw na legal mission sa mga bayan ng Gumaca at Plaridel kamakailan.

Ang unang araw ay ginanap sa BJMP, Purok 5, Brgy. Progreso para sa mga detainee upang matulungan sila na mabigyang linaw ang mga kasong kanilang kinakaharap at malaman ang mga legal na hakbang na dapat gawin.

“Kaakibat sa unang araw ng legal mission ang pagbibigay ng libreng check-up, dental, at anti-pneumonia vaccine sa ating mga detainee upang masiguro natin ang kanilang kalusugan kahit na sila ay nasa loob ng piitan,” punto ni Cong. Tan, anak ni Gov. Tan.

Napag-alaman na ang ikalawang araw ay ginanap sa KM 201 Maharlika Highway, Brgy. Camohaguin para sa mga kawani naman ng barangay lalo’t higit sa mga lupon kung saan ay nabigyan sila ng libreng legal lecture series, legal consultation, at notarial services.

Sa totoo lang, malaking tulong ito sa kanila para sa mas epektibong pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa kanilang mga nasasakupan.

Mabuhay po kayo, Gov. Helen at Cong. Mike, at God bless!

173

Related posts

Leave a Comment