MGA DAPAT NA ITALAGANG SUSUNOD NA MAHISTRADO NG SC

PRO HAC VICE

Ano kaya ang kailangan upang mapagtanto o makita ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya napapansin ang kapakanan ng mga minority partikular na ang kanilang representasyon sa go-vernment agencies?

Isa na rito ay ang sa hudikatura, kasi naman po napakahaba na ng panahon at ilang pangulo na rin ang nagdaan subalit ‘di pa rin nila nakikita o maisakatuparan ang isinasaad sa Tripoli Agreement, Bangsamoro Organic Law at iba pang mga kasunduan na nagsasaad na dapat mayroong karapat-dapat na kinatawan sa Supreme Court (SC) ang minorities.

Hindi ko pinapangunahan ang pangulo sa pagtatalaga ng susunod na mahistrado ng SC, subalit isang historical na aksyon po kung makapagtatalaga siya ng isang mahistrado mula sa hanay ng minorities sa bansa.

Batay sa datos ng SC, nagkaroon lamang ng kinatawan ang minorities dito noon pang 1987 o halos 32 taon na ang nakalilipas at iyon po ay sa katauhan ni Associate Justice Abdulwahid A. Bidin, the first Muslim Justice, na itinalaga noon ni Pangulong Corazon Aquino.

Kung susundan at bibigyan lamang ng pansin ng Duterte administras¬yon ang mga nakasaad sa Tripoli Agreement na na¬lagdaan noong December 23, 1976 at Bangsamoro Organic Law na nilagdaan mismo ni Pangulong Duterte noon lamang July 26, 2018, marahil masasabing napa-panahon na upang ipakita ni Pangulong Duterte na tapat siya sa kanyang pangako na bibigyan ng lugar ang mga kinatawan mula sa minority group ng bansa sa gobyerno at sa hudikatura.

Sa kasalukuyan ay mayroong nag-iisang Muslim na aspirant sa dalawang bakanteng associate justice position sa SC at kabilang din sa isinumiteng shortlist ng Judicial and Bar Council sa Malacañang.

Ito’y sa katauhan ni Court of Appeals Associate Justice Japar Dimaampao na kilalang may mataas na integridad sa appellate court. Siya rin ay author ng librong taxation at magaling na law professor ng mga kilalang law school sa bansa.

Nakapanghihinayang lamang kung hindi maitatalagang mahistrado ang isang katulad ni Justice Dimaampao na isang Maranaoan na nakauunawa sa mga problema ng Muslim at makakatulong sa hudikatura para sa pagsasaayos ng Shari’a Court sa bansa.  (Pro Hac Vice / BERT MOZO)

238

Related posts

Leave a Comment