Ininspeksyon ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Cebu sa pangunguna ni Acting District Collector Atty. Charlito Martin Mendoza ang apat na abandonadong containers na naglalaman ng undeclared goods nitong nakaraang Oktubre 21, 2019.
Kasama ni Mendoza ang mga kinatawan mula sa Plan Quarantine Service at Philippine Coast Guard (PCG) sa ginawang inspeksyon sa apat na abandonadong container vans na idineklarang oranges at naka-consign sa RAS Bacolod, Inc.
Ayon sa report, sa kabila ng abiso, ang claimants/consignee ay hindi naghain ng ‘requisite import entry declaration’ dahilan upang ideklarang abandonado ang nasabing shipments.
Sa ilalim ng Section 1129 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), ang imported article ay inilalagay bilang abandonado kung ang may-ari, importer o consignee ay hindi nagdeklara ng kanilang goods sa itinakdang panahon na nakapaloob sa ilalim ng Section 407 ng CMTA at ito’y kukumpiskahin pabor sa gobyerno.
Gayunpaman, sa isinagawang inspeksyon, ang container vans ay nadiskubreng naglalaman ng ‘undeclared goods’ ng white onions at carrots.
Ang ilan dito ay idineklarang oranges na kung saan nakalagay sa harapan nito ang nakatagong ‘undeclared goods’ na tinatayang nagkakahalaga ng P858,000.
Kaugnay pa rin nito, patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng pamunuan ng Port of Cebu sa kanilang hangganan upang maiwasan ang pagpasok ng mga ilegal na kargamento sa kanilang nasasakupan. (Joel O. Amongo)
138