MGA EO NI PBBM, PANALO NG BAYAN

SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA

SA pagpasok ng bagong administrasyon sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. bilang ika-17 na Presidente ng Pilipinas, marami ang nag-aabang sa magiging istilo ng pamamahala at sa mga ­magiging prayoridad nito. Sa unang linggo ng kanyang opisyal na pamumuno, makikita na ang prayoridad nito ay ang iakma ang istraktura ng administrasyon sa kanyang plano upang masigurong magiging mas episyente ang kanyang pamamalakad sa bansa.

Dalawang executive order (EO) agad ang inilabas ni PBBM sa unang linggo ng kanyang pamamahala.

Sa ilalim ng kanyang unang EO, iniutos niya ang pagbuwag sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), ang ­sangay na binuo at inatasan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na magsagawa ng imbestigasyon ukol sa mga alegasyon ng korapsyon na ibinabato sa mga appointee nito. Ang hurisdiksyon, kapangyarihan, at responsibilidad ng PACC ay inilipat sa Office of the Deputy Executive Secretary for Legal Affairs.

Kabilang din sa ipinatupad na mga pagbabago ang pagbuwag sa Office of the Cabinet Secretary. Ang Cabinet Secretariat ay magiging bahagi na ng Presidential Management Staff. Kasama ang Executive Secretary, pangangasiwaan ng mga ito ang mga diskusyon sa mga pagpupulong ng mga miyembro ng gabinete.

Sa bisa ng unang kautusan, magkakaroon din ng kontrol ang Executive Secretary sa mga ahensyang nakakabit sa Office of the President. Ang Executive Secretary ay magiging katuwang ng Office of the Special Assistant to the President, mga adviser at mga kawani, at ng Presidential Management Staff sa pagbibigay ng suporta kay PBBM.

Binuo rin ni Pangulong Marcos ang Office of the Presidential Adviser on Military and Police Affairs na magiging sakop ng Office of the Special Assistant to the President. Marahil kahawig ito ng isang posisyon sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Duterte na tinawag nitong Presidential Adviser on Military Affairs.

Sa ilalim naman ng ikalawang order, ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) ay ibinalik naman sa Office of the Press Secretary (OPS). Sa aking personal na pananaw, naging mahusay ang hakbang na ito na isailalim sa OPS ang lahat ng hurisdiksyon, kapangyarihan, at responsibilidad na may kinalaman sa komunikasyon.

Ang APO Production Unity, Bureau of Broadcast Services, Intercontinental Broadcasting Corporations, National Printing Office, News and Information Bureau, at People’s Television Network ay mga ahensya sa ilalim ng OPS. Sa kabilang banda, ang Radio Television Malacañang (RTVM) o ang Presidential Broadcast Staff naman ay pangangasiwaan ng Presidential Management Staff dahil ang responsibilidad nito ay ang i-dokumento ang mga aktibidad ng pangulo.

Ang Philippine Information Agency (PIA) naman ay direktang pangangasiwaan ng Office of the President. Pinalawig din ang hurisdiksyon ng nasabing ahensya dahil isasama na rito ang Bureau of Communications Services, Freedom of Information-Program Management Office, at ang Good Governance Office.

Sa pamamagitan ng mga ipinatupad na pagbabago sa bisa ng unang dalawang EO ni PBBM, malamang ay magiging mas episyente ang takbo ng administrasyon. Magiging mas malinaw ang sistema dahil sinigurong walang mga sangay na pareho o may pagkakatulad sa mga opisyal na tungkulin.

Maituturing na kapana-panabik ang mga susunod na hakbang ng administrasyon. Ang matalino at mahusay na pagsasagawa ng pagbabago sa istraktura ng administrasyon ay maituturing na magandang simula para sa administrasyong Marcos.

103

Related posts

Leave a Comment