MMML RECRUITMENT SERVICES TINATAWAGAN NG PANSIN

BANTAY OFW

Kamakailan, ako ay nakatanggap ng sumbong at paghingi ng tulong mula sa ating kabayani na sina Edna Tampos at Rachelle Tapanan.

Si Edna Tampos ay nakarating sa Kuwait sa pamamagitan ng MMML Recruitment Services noong Setyembre 21, 2017. Ayon sa kanyang ipinadalang sumbong sa Bantay OFW mobile apps, siya diumano ay sinasaktan o binubugbog ng kanyang mga alaga at kamakailan ay pinagbibintangan pa na nagnanakaw ng gamit ng kanyang amo na mariin niyang pinasisinungalingan.

Hinihiling niya sa akin na tulungan siya na makara­ting sa Philippine Embassy upang siya ay makauwi na sa Pilipinas. Agad natin itong ipinagbigay alam sa may-ari ng MMML Recruitment Services na si Ms. Amanda Araneta at nangako naman siya na agad itong aak­syunan. Sa kasalukuyan ay wala pa akong natatanggap na mensahe o update mula kay Ms. Araneta.

Kasabay nito ay nagpadala rin ng sumbong ang isa pa sa dineployed ng MMML Recruitment Services na si Rachelle Tapanan. Ayon sa kanyang sumbong na ipinarating sa Bantay OFW Monitoring Center ay “Ayaw akong pauwiin ng a­king employer kahit tapos na ang aking kontrata. 3 years and 4 months na ako at hindi pa rin ibinibigay ang aking suweldo. Sinasaktan din ako ng mga bata na a­king alaga na hindi ko naman masuweto at natatakot ako na isumbong ako ng mga bata sa magulang nila kung sila ay aking papagalitan. Nakiusap na ako sa aking ahensya ngunit maging sila ay walang magawa na mapakiusapan ang aking employer na ako ay pauwiin na sa Pilipinas dahil tapos na ang aking kontrata.”

Ako po ay nakikiusap sa MMML Recruitment Services Inc. na bigyan pansin at ng mabilis na aksyon ang mga reklamo ng ating mga kabayani na sina Rachelle Tapanan at Edna Tampos. (Bantay OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

oOo

Hinihikayat natin ang lahat ng OFW o maging ang mga paalis pa lamang ng Pilipinas na mag-download ng Bantay OFW monitoring apps na libre sa android playstore. Dahil sa pamamagitan ng Bantay OFW monitoring apps ay regular nating makukumusta ang lahat ng ating mga kabayani saan mang sulok sila ng mundo.

94

Related posts

Leave a Comment