Kuwento ng aking nasakyang taxi driver na akmang pang-Halloween. Eto raw ay mismong nangyari sa kanya.
Pasado hatinggabi noon, may pumara sa kanyang babae, patungong Kyusi. Hindi na niya napigurahan ang babae, bukod sa nasa kabataan pa umano ito. Nang makarating na sa Kyusi ay pinara ng babae ang taxi sa harap ng isang bahay na bunggalo. Nagpaalam ang babae na akmang kukuha lamang ng pamasahe sa kanyang tinutuluyan, ngunit matagal-tagal na ay hindi pa rin lumalabas sa bahay ang kanyang pasahero.
Sa kanyang pagkainip ay kahit makakabulabog sa mga kapitbahay nitong nasa kahimbingan ng pagtulog ay sunud-sunod ang ginawa n’yang pagbusina, hanggang bumukas ang gate at lumabas ang isang may edad na babae at nagtanong kung bakit siya nag-iingay.
Malumanay naman niyang sinagot ang halatang naalimpungatang matandang babae, at sinabi niyang bumaba ang kanyang pasaherong kabataang babae na pumasok sa gate upang kumuha lamang ng pamasahe ngunit hindi pa lumalabas kaya napilitan siyang mag-ingay.
Agad nagpaalam ang matandang babae, pumasok ng gate at paglabas ay ibinigay sa kanya ang bayad na pasahe. Tinanong niya ang matandang babae kung anak ba niya ‘yung naging pasahero niya.
Sumagot naman ang matandang babae na anak nga niya ang naging pasahero ng taxi driver ngunit ang sumunod na sinabi nito ang nakapagpatayo ng kanyang mga balahibo.
Anak nga raw niya ang kabataang babae na naging pasahero ng mamang taxi driver, ngunit matagal nang patay ito. Ang istorya, nireyp at pinatay ng isang taxi driver ang kanyang anak at kada anibersaryo ng kamatayan nito ay nagpapahatid ito sa taxi pauwi sa kanilang tahanan. Kaya naman medyo sanay na ang nanay nito na may taxi na pumaparada sa harap ng kanilang bahay at naniningil ng pasahe. Kapag nakukwento naman ng ina ang totoong sinapit ng anak na paboritong sumakay ng taxi pauwi kada anibersaryo ng kanyang kamatayan ay nahihintakutan ang mga drayber.
Mga kaibigan nating taxi driver, ingat-ingat din sa mga naisasakay, baka maisakay ninyo siya. (For the Flag / ED CORDEVILLA)
244