INILABAS ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Disyembre nang nakalipas na taon ang paghihimay, pagbusisi at pag-aaral nito sa nakuhang magkakaibang buhay ng 110 milyong Filipino.
Ang sabi ng istatistika ng PSA noong 2015 ay pumalo sa 21.9 milyon ang kabuuan ng pamilyang Filipino na nabubuhay sa ‘ilalim ng guhit ng kahirapan.’
Kaya, itinuring o inilagay sila sa kategoryang ilalim ng guhit ng kahirapan ay dahil hindi pa umaabot sa P9,452 ang pinagsamang kita kada buwan ng mag-asawang pasok sa nasabing mahirap na kalagayan sa buhay noong 2015.
Nang sumapit ang Oktubre, 2016, naging 23.5 milyon na ang pamilyang Filipino na pumasok sa ilalim ng guhit ng kahirapan.
Umabot sa 23.3 porsiyento ang inilaki ng bilang ng mga mahihirap na pamilya.
Hindi pa naglalabas nang panibagong pag-aaral ang PSA, sapagkat kailangang matapos ang buong 2020 upang makita at malaman nila ang buong itsura ng limang taong itinakbo ng Pilipinas hinggil sa problema nang kahirapan.
Mahalaga ang datos ng PSA, sapagkat gamit ang sensya ay hinimay, binusisi at pinag-aralan nang husto ng mga mahuhusay sa numero sa PSA ang “tunay” na pang-ekonomiyang kalagayan ng mga Filipino.
Ang napakaraming numero at samu’t saring kongkretong kalagayan ng mga Filipino mula sa iba’t ibang sulok ng bansa ang siyang pinagbatayan at ginamit na siyentipikong batayan ng mga taga-PSA upang magkaroon ng konklusyong 23.5 milyon na ang kabuuang bilang ng mga mahihirap na pamilya sa Pilipinas.
Pero, ang nakasaad sa Republic Act No. 11469 o ‘Bayanihan to Heal as One’ Law na binibigyan ng ayuda ng administrasyong Duterte ay 18 milyong pamilya.
Kaya, naging labingwalong milyon ay dahil iyan ang impormasyong nakarating sa Kongreso, partikular sa tanggapan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Si Sotto ang nagsabi sa media na 18 milyong pamilya ang makikinabang ng Social Amelioration Program (SAP) na isinilang ng R.A. 11469.
Nakapagtataka namang napakalaki nang bilang ng pamilyang “nakalaya” sa kahirapan mula Nobyembre 2016 hanggang Marso 2020, samantalang wala namang mapagpasyang hakbang na ginawa ang administrasyong Duterte upang umangat ang buhay ng 5.5 milyong pamilya mula huling kwarter ng 2016 hanggang unang kwarter ng 2020.
Mula 2015 hanggang Oktubre 2016 ay nadagdagan ng 1.6 milyong pamilya ang mga mahihirap na pamilyang Filipino.
Pansinin na habang nagpapakahirap ang mga eksperto sa PSA sa paghihimay, pagbusisi, pag-uugnay at pag-aaral ng mga impormasyong nakalap nila sa isinagawang ‘survey’ noong 2015 ay umakyat pa sa 23.5 milyon ang mga mahihirap na pamilya mula sa 21.9 milyon.
Mula noong panahon ni Fidel Ramos, naging agresibo ang pamahalaan upang paunlarin at iangat ang kalagayan ng ekonomiya dahil mistulang pagong ang usad ng ekonomiya ng bansa noong si Corazon Cojuangco Aquino ang pangulo.
Unti-unti bumibilis ang pagsulong at pag-angat ng ekonomiya.
Unti-unti ring umangat ang gross domestic product (GDP) ng bansa kumpara noong kay Aquino.
Sukatan ng ekonomiya ang GDP.
Upang makasabay ang pagresolba sa paglawak at paglalim ng daigdig ng mga “nakatira” sa ilalim ng guhit ng kahirapan, ipinasa ng Kongreso noong panahon ni Ramos ang Republic Act No. 8425 o ang “Social Reform and Poverty Alleviation” Act.
Ang R.A. 8425 na ito ang nag-utos sa pamahalaan na itayo ang National Anti-Poverty Commission (NAPC) na nagsimula noong Hunyo 30,1998 kasabay ng termino ni dating Joseph Estrada, ang pangulong nagwagayway ng ‘slogan’na “Erap para sa Mahirap.”
Ang trabaho ng NAPC ay pag-ugnayin at pagkasundin ang mga programang kontra-kahirapan ng pambansang pamahalaan at mga pamahalaang lokal.
Malaki ang papel ng NAPC sa pagtitiyak na nagagawa ng estadong tuluy-tuloy na lumalarga ang mga panlipunang reporma ng pamahalaang nasyunal at lokal upang maresolbahan ang sinasabing “hindi pagkapantay-pantay” ng buhay ng mamamayang Filipino rito sa lipunan ng Pilipinas.
Totoong hindi naman magkakapantay-pantay ng literal ang buhay ng lahat ng mga Filipino, ngunit labis-labis na nakababahala na hanggang ngayon ay milyun-milyong pamilya ang nabubuhay sa ilalim ng guhit ng kahirapan habang napakataas ng GDP ng Pilipinas.
Bago pumasok ang coronavirus disease 2019 (COVID-19), mahigit anim na porsiyento o malapit maging pitong porsiyento ang GDP natin.
Ngunit, hindi bumababa nang husto ang milyun-milyong bilang ng mga pamilyang mahihirap.
Alinman ang totoo sa dalawa, 18 milyong pamilya ang mayroong pera sa SAP o 23.5 milyon ng PSA, hindi maipagkakailang napakalaking bilang ito ng mga mahihirap.
Kung hindi rin lang kayang gampanang mabuti ng NAPC ang trabaho, tungkulin at obligasyon nito na ipinag-utos ng R.A. 8425, mukhang kailangan nang buwagin ng Kongreso ang NAPC.
292