Malalim ang usapin sa ninja cops. Misteryoso. Parang pelikula. Naghahanap ng kaliwanagan at katotohanan ang taumbayan. Marami na ang namatay dahil sa droga. Ngunit masakit na malaman na nagkakabentahan ng drogang nakumpiska. Na maaaring pinatatakas ang mga suspek kapalit ng salapi at kayamanan.
Ngayon nahuhukay na ang dating hindi napag-uusapan o takot pag-usapan. Na ang krimen ay nagmumula pala mismo sa mga awtoridad. Matagal nang alam ng taumbayan na may mga milagrong nangyayari ngunit ngayon lamang nabibigyan ng kaliwanagan.
Ngunit tinatapalan pa rin ang liwanag, nagkakatakipan, nagkakasaluhan, mukhang pinaiilap pa rin ang liwanag.
Naniniwala ang taumbayan na mayorya ng mga pulis ay may katinuan at tunay na ginagawa ang kanilang trabaho ng naaayon sa batas at kanilang sinumpaang tungkulin, ngunit ang isyung ninja cop na sumasambulat ngayon sa kalagitnaan ng bayan ay naglalagay sa imahe ng Philippine National Police (PNP) sa dako ng duda.
Tunay ang sinabi ni Sen. Risa Hontiveros na nakalulungkot ang nangyayari sa PNP na mismo sanang nagpoprotekta sa taumbayan mula sa mga druglord at droga ay sila pa mismo ang nagnenegosyo nito.
Inaapuhap ng taumbayan na nawa’y masolusyunan na ang suliranin sa droga at ang mga may sala ukol dito ay mahuli at maparusahan. Inaapuhap din ng taumbayan ang hustisya na huwag namang pakawalan ng BuCor ang mga ito sa sandaling mahuli, makasuhan at mapatawan ng kaparusahan ng husgado.
Inaapuhap din ng taumbayan na nawa’y habang nakakulong ay hindi na makapagnegosyo ng ilegal na kanilang ginagawa noong sila ay laya pa.
Binabantayan ng taumbayan ang isyung ito, pati na ang mga isyung kinasasangkutan ng korapsyon at panlilinlang sa taumbayan. (For the Flag / ED CORDEVILLA)
117