Sa muling pagbubukas ng ating Bantay OFW Help Center na isang proyekto ng AkoOFW ay muli kong sisimulan ang paglathala ng mga sumbong o paghingi ng tulong ng ating mga kabayani na nasa ibang bansa.
Unang kaso na ating ilalathala ay ang hinihinging tulong ng isang OFW na nasa Jeddah na itatago natin sa pangalan na JB Lidem. Siya ay dumating sa bansang Saudi Arabia noong May 23, 2019 sa pag-aasikaso ng kanyang ahensyang Ortiz Agency & Employment Services Inc.
Ayon kay Lidem ay pinagtangkaan siyang gahasain ng kanyang employer. Araw-araw ay naiiwan siyang mag-isa sa bahay ng kanyang employer dahil lahat ay may hanapbuhay. Ngunit, isang araw ay nagulat na lamang siya na ang kanyang employer na lalaki ay hindi umalis ng bahay.
Sa simula ay tinanong lamang siya kung siya ay may internet at inutusan na linisin ang kanilang kwarto. At habang siya ay naglilinis ng kwarto ng kanyang amo ay bigla siyang sinunggaban at niyakap at pilit na tinumba sa kama.
Nagmakaawa si kabayani Lidem at nagpumiglas kung kaya siya ay nakaalpas sa mahigpit na pagkakayakap ng kanyang amo. Nagtatakbo siya sa loob ng sarili niyang kwarto upang masiguro na hindi na maitutuloy na magagawa ng kanyang employer ang tangkang panggagahasa sa kanya.
Agad siyang tumawag sa Philippine Overseas Labor Office sa Jeddah at nangako na agad na tatawagan ang kanyang ahensya upang siya ay mabawi. Agad ko ring ipinarating sa ating OWWA Welfare Officer na si Yolanda Peñaranda ang sitwasyon ni JB Lidem upang matutukan ang kanyang sitwasyon.
Samantala, ako ay nanawagan sa Ortiz Agency & Employment Services, Inc. na sikapin ang agarang pagtulong sa ating kabayani na si Lidem at siguruhin na agad itong mailayo sa kanyang employer, bago ba muling gawin at maisakatuparan ang pagtatangkang panggagahasa sa kanya.
oOo
Samantala, inaanyayahan natin ang lahat na subaybayan ang ating programa na BantayOFW sa AKOOFW Teleradyo na sabayang mapapanood sa FB Live stream sa Ako OFW Inc. page at sa AkoOFW Teleradyo sa Youtube channel tuwing Lunes, Miyerkules at Biyerenes ng ika-7:00 ng gabi. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
176