OPERASYON NG SMNI, PINASUSUSPINDE

BALYADOR ni RONALD BULA

PINASUSUSPINDE ni PBA Party-list Rep. Margarita Nograles sa National Telecommunications Commission (NTC) ang operasyon ng Sonshine Media Network Inc. o SMNI.

Sa inihaing House Resolution 1499, binigyang-diin ni Nograles na nakagawa umano ng paglabag ang SMNI sa “terms and conditions” ng kanilang prangkisa sa ilalim ng Republic Act 11422.

Tinukoy sa resolusyon na hindi umano natupad ng SMNI ang mandato nito na huwag gamitin ang kanilang istasyon o pasilidad sa pagpapakalat ng “false” o maling mga impormasyon.

Kasama rin dito ang paglalabas ng balanced o patas na mga programa, pagsusulong ng “public participation,” at pag-ayon sa ethics ng tapat na negosyo at marami pa.

Giit ni Nograles, tungkulin ng NTC na kumilos habang nakabinbin pa ang rekomendasyon ng House Committee on Legislative Franchises ukol sa mga paglabag ng SMNI, pangunahin ang report nito na gumastos ng P1.8 billion si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na wala namang katotohanan.

Nag-ugat ang mga ito matapos isiwalat ng broadcaster na si Jeffrey “Ka Eric” Celiz sa kanyang programa sa Sonshine Media Network Inc. (SMNI) ang diumano’y umabot sa P1.8 billion na ginasta ng House Speaker sa kanyang pagbiyahe ngayong 2023, bagay na pinabulaanan ng liderato ng Kamara.

Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco, nasa P4.347 million lamang ang nagastos ng Office of the Speaker para sa pagbiyahe nito mula noong Enero hanggang nitong Oktubre.

Sinabi naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri, kapag napatunayan na nagmula talaga ang impormasyon sa isang empleyado ng Senado, ay maaari naman itong patawan ng disciplinary action.

Samantala, hinamon naman ni Quezon Rep. David Suarez ang radio-TV network ni Pastor Apollo Quiboloy, na patunayan ang alegasyon nito na gumastos si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng P1.8 bilyon sa mga biyahe nito.

Sinabi ni Suarez na dapat imbitahan ng House Committee on Legislative Franchises na pinamumunuan ni Parañaque Rep. Gus Tambunting, hindi lamang ang brodkaster ng Sonshine Media Network International (SMNI) na nagpahayag ng alegasyon, kundi maging si Quiboloy.

Sinabi rin ni Suarez na bago nagbitiw ng alegasyon ay dapat siniguro muna ng brodkaster ang impormasyon nito.

Iginiit ni Suarez na ang network ni Quiboloy at ang host ng programa ay kapwa may pananagutan sa alegasyon.

Noong Martes ay nag-privilege speech si Suarez at kinondena nito ang alegasyon na wala umanong basehan.

Subaybayan natin!

@@@

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email lang sa balyador69@gmail.com

78

Related posts

Leave a Comment