ORMOC PINAKAMAYAMAN NA URBAN CENTER SA EASTERN VISAYAS

DI KO GETS ni GIO ANDREW CAYANONG

MAGANDANG balita! Aba’y nakamit ng Ormoc City sa lalawigan ng Leyte ang pangunahing ranggo bilang pinakamayaman na urban center sa Eastern Visayas sa huling ulat noong katapusan ng 2022.

Siyempre, ito’y ayon sa taunang report ng Commission on Audit (COA).

Kung hindi ako nagkakamali, nasa P7.47 bilyon ang halaga ng mga ari-arian ng Ormoc na itinuturing na pinakamataas sa anim na iba pang siyudad sa rehiyon.

Sabi nga ni Leyte Rep. Richard Gomez, ang pagkakaisa ng lokal na pamahalaan, mga barangay, mga negosyante, at ang lahat ng mga taga-Ormoc, ang naging susi sa pag-usbong ng ekonomiya ng lungsod.

Binanggit naman ni Mayor Lucy Torres-Gomez na malaki ang naging papel ng kanyang asawa sa financial stability ng Ormoc.

Bago maging kongresista noong 2022, si Rep. Gomez ay nagsilbing alkalde ng dalawang termino.

Ayon sa COA, tumaas ng 9.37 porsiyento ang halaga ng mga ari-arian ng Ormoc, na umabot sa P7.47 bilyon noong 2022 mula sa P6.83 bilyon noong 2021.

Dito’y nalampasan ng Ormoc City ang halagang P5.71 bilyon na ari-arian ng Calbayog City sa Samar; P5.28 bilyon ng Baybay City sa Leyte; P4.72 bilyon ng Tacloban City; P4.9 bilyon ng Maasin City sa Southern Leyte; P3.03 bilyon ng Borongan City sa Eastern Samar; at P2.021 bilyon ng Catbalogan City sa Samar.

Tunay na magandang balita ito para sa Ormoc at para sa buong rehiyon ng Eastern Visayas. Ang pag-angat ng Ormoc bilang pinakamayaman na urban center ay nagpapakita ng malasakit at determinasyon ng mga taga-Ormoc na mapaunlad ang kanilang komunidad.

Ang pagkakaroon ng mahusay na pamamahala sa lokal na pamahalaan, ang pagtutulungan ng mga sektor, at ang suporta ng mga negosyante ay mahahalagang salik sa pagpapabuti ng ekonomiya ng lungsod.

Napakahalaga rin ng pagtutulungan ng mga lider tulad nina Rep. Gomez at Mayor Torres-Gomez, na parehong nag-ambag ng malaki sa pagsulong ng lungsod.

Ang kanilang magandang halimbawa ng pagsusumikap at pagsisilbi ay nagpapakita na ang magkakatuwang na liderato ay makapag-aambag ng malaki sa tagumpay ng isang komunidad.

Sa pag-angat ng ekonomiya ng Ormoc, magkakaroon ng mas maraming oportunidad para sa mga residente, mas magandang serbisyo sa mamamayan, at mas malalaking pondo para sa mga proyektong pangkaunlaran.

Ito’y isang inspirasyon para sa iba pang mga lokal na pamahalaan na itaguyod ang masusing pamamahala at pagsusumikap para sa kaunlaran ng kanilang mga komunidad.

142

Related posts

Leave a Comment