Ano at paano ba ang pagiging ina? Sino ba ang mga ina?
Pwedeng tingnan ang pagiging ina sa dalawang antas: biolohikal at sikolohikal.
Sa level ng biology, ang pagiging ina ay nangangahulugan ng pagdadalantao, o pagbubuntis. May bahay-bata ka na may kakayahang bumuhay ng sanggol sa loob ng siyam na buwan. Sa pananaw na ito, ang mga babaeng may kakayahang manganak lamang ang mga ina. Ang mga lalaki, dahil wala silang matres, ay hindi kailanman magiging mga ina. Ang mga babae namang walang egg cells (baog) o may problema sa kanilang reproductive function ay hindi rin kayang magluwal ng mga sanggol, kaya mahihirapan, kundi hindi man imposibleng maging ina sila. Ito ang mas tradisyonal o esensyal na pananaw sa pagiging ina.
Ganunpaman, may paniniwala na ang pagiging ina ay mas sikolohikal na karanasan o proseso kaysa biolohikal. Kung susundan ang sinabi ng dating Miss Universe na si Sushmita Sen na ang kaganapan ng pagiging babae ay ang kakayahang magpakita ng pagmamahal, malasakit, at kalinga, pwedeng maging ina ang sinumang babae na kayang magbigay ng mga ito.
Oo nga, naman. Mayroong mga napakarunong magluwal ng bata pero kalaunan naman ay nagiging pabaya at walang alam sa pangangalaga ng anak, kundi man tahasang abusado.
Mayroon namang mga babae, o kahit mga lalaki, na hindi nagdalantao at nagluwal ng sanggol pero kakikitaan naman sila ng mapagmahal na pagkalinga, pag-aaruga kahit sa mga batang hindi naman nila kaanu-ano o kadugo.
Kaya bukod sa pagkakaroon ng sanggol sa pamamagitan ng sariling bahay-bata, lumabas sa iba’t ibang lipunan ang kaparaanan ng pag-aampon, o adoption. Noong unang panahon, ito ay punumpuno ng stigma o negatibong pagtingin mula sa lipunan, pero kalaunan, dahil na rin sa pananaliksik at edukasyon, nabuksan na ang mata at puso ng mga tao tungkol dito at mas positibo na ang pananaw tungkol dito.
Sabi nga, dalawang paraan ng pagkakaroon ng anak: pagluwal sa pamamagitan ng sinapupunan, o pagbibigay-buhay mula sa puso.
Anuman ang kaparaanan para maging ina ang isang tao (natural man, legal na paraan, o extra-legal, o dahil sa makabagong teknolohiya) na maalaga ay naroon ang kakayahang mangalaga sa isang indibidwal upang ganap na umusbong ito sa mundo na may saysay. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)
213