PUNA ni JOEL O. AMONGO
PINUNA ng mga Pilipino na anila’y isang papogi lang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang kanyang sinabi na pagpapasara sa mga POGO sa bansa.
Matatandaang noong nakaraang Lunes, Hulyo 22, 2024 sa State of the Nation Address (SONA) ni PBBM, inanunsyo niya na kanyang ipasasara ang mga POGO.
Ang dahilan ng pagpapasara ni PBBM sa mga POGO ay pinagmumulan umano ito ng iba’t ibang katiwalian at kriminalidad.
Ayon naman sa mga Pilipino, tila estratehiya lamang ang ginawang anunsyo ni PBBM sa pagpapasara sa mga POGO para sabihin na may ginagawa itong aksyon.
Sinabi pa nila, hindi iyon ang tunay na problema ng mga Pilipino kundi ang “inflation rate” o mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Anila, walang nagagawang aksyon ang BBM admin sa nagtataasang presyo ng mga bilihin.
Lalo na ngayon na maraming naapektuhan ng nakaraang bagyong Carina, siguradong maraming magugutom na mga Pinoy.
Mali umano ang nagiging pokus ng BBM admin, imbes na resolbahin ang problema sa pagkain ng mga Pilipino.
Ayon pa sa kanila, ano naman ang pakialam nila sa mga POGO, hindi naman sila makikinabang dito.
Ginawang panakip-butas lang ni PBBM ang kanyang anunsyong pagpapasara sa mga POGO, sa tunay na isyu na nagpapahirap sa mga Pilipino, ang pagmahal ng presyo ng mga bilihin at kawalang trabaho ng marami.
Imbes na palakasin at suportahan ang mga magsasakang Pinoy nang hindi tayo makaranas ng gutom, ay mas prayoridad ng BBM admin ang importasyon ng iba’t ibang agri-products na pumapatay sa lokal na mga magsasaka.
Bistado na ng taumbayan ang estratehiya ng BBM admin, ang pahupain ang galit ng mga Pilipino dahil sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.
oOo
Samantala, binabati natin ang grupo ni Engr. Ed Francisco, MAISUG Marikina City Chapter sa kanilang ginagawang pagtulong sa mga sinalanta ng bagyong Carina.
Namigay ng relief goods ang grupo ni Engr. Francisco sa mga residente ng lalawigan ng Rizal na naapektuhan ng bagyong Carina.
Ayon kay Engr. Francisco, ang kanilang bibigyan ng relief goods ay ang mga residente na wala sa evacuation centers, na totoong binayo ng bagyo.
Kabilang sa mga ipamimigay ng grupo ni Engr. Francisco ay noodles, sardinas, corned beef, biscuit, quaker oats, mineral water, bigas, kumot, tuwalya, damit at marami pang iba.
oOo
Para sa sumbong at reaksyon, magtext sa cell# 0977-751-1840.
147