PAGBUHAY SA BICOL EXPRESS

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA unang pulong ng Maharlika Investment Corporation (MIC) noong nakaraang linggo, tila nagiging mas malinaw ang landas patungo sa modernisasyon ng rail industry sa bansa.

Isang pangarap na isinusulong ni Bicol Saro Party-list Representative Brian Yamsuan na hindi matatawaran ay ang kahalagahan ng pamumuhunan sa iconic na Bicol Express.

Ayon kay Yamsuan, ang paglago ng Bicol Express ay hindi lamang magbubunga ng mga oportunidad sa rehiyon ng Bicol, kundi maging sa buong Luzon.

Isinusulong niya ang pangangailangan na muling itaguyod ang PNR-Bicol bilang isang moderno at world-class train system.

Sa pagkakaroon ng ganitong sistema, mas magiging konektado ang mahahalagang economic hubs sa Luzon, na tiyak na magreresulta sa pag-usbong ng trabaho at kabuhayan.

Hindi rin pinalampas ni Yamsuan ang pagsusuri ng World Bank na nagpapatunay na mas energy-efficient ang mga tren at mas mababa ang emission kada pasahero at tonelada ng kalakal kumpara sa ibang uri ng sasakyan.

Isang malaking hakbang ito patungo sa pagsasalba ng kalikasan at pagpapahalaga sa sustainable na transportasyon.

Sa nakaraang pulong ng MIC, binigyang-diin ang iba’t ibang sektor kung saan maaaring maglaan ng pamumuhunan.

Kasama rito ang infrastructure, oil, gas, at power; agroforestry industrial urbanization; mineral processing; tourism; transportation; at aerospace and aviation. Isang malaking hamon ito para sa MIC na maging instrumento ng pag-unlad at modernisasyon ng iba’t ibang sektor sa bansa.

Napag-usapan din sa pulong ang pangangailangan na buhayin ang Bicol Express o South Long Haul Project, na isa sa flagship projects ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Para kay Yamsuan, hindi sapat na magsimula at magtapos lamang sa NSCR sa pag-implementa ng long-haul rail projects.

Mahalaga rin na bigyang pansin ang kalagayan ng rail system sa southernmost part ng Luzon, partikular na ang Bicol Express.

Sa huli, iginiit ni Yamsuan, “Hindi pwedeng magsimula at magtapos sa NSCR sa pagpapatupad ng mga long-haul rail projects at iwanan ang pinakatimog na bahagi ng Luzon na may isang butas-butas na sistema ng riles. Ang pagsilang muli ng ating industriya ng tren ay dapat kasama ang pag-reconstruct at modernisasyon ng pinakamatandang train service sa Southeast Asia, ang Bicol Express.”

Sa pangunguna ng MIC at suporta ng mga mambabatas tulad ni Yamsuan, tila mas malapit na ang bansa sa pagtahak sa landas ng modernisasyon at pag-usbong ng rail industry.

Siyempre, ito ay tiyak na magbubunga ng mas maraming oportunidad para sa ekonomiya at mamamayan.

128

Related posts

Leave a Comment