Tutol ang Bayan Muna sa pag-apruba ng Kongreso ng pambansang budget sa taong 2020. Tutol ang progresibong partido sa budget na para sa pagpatay, sa pagsikil sa karapatan ng mamamayan, at ang budget na batbat ng pondong pork barrel.
Sinusuhayan ng panukalang badyet 2020 ang madugong track record ng administrasyong Duterte sa pamamasalang. Ito ay pag-igting sa giyera laban sa droga, sa anti-insurgency, sa paglabag sa karapatang pantao, at pagsugpo umano sa kriminalidad.
Umakyat ng 40% ang badyet para sa Defense ngayong taon.
Ang PNP ay binigyan ng P184.9 billion, ang DND naman ay P189 billion o 4.6% ng kabuuang budget. Ang Tokhang, na pumatay na sa libu-libong mga tao ay binigyan pa muli ng P546 milyon sa implementasyon ng Philippine Anti-Illegal Drug Strategy, at may P1.4 bilyon pa para sa Tokhang na nakapasok sa iba’t ibang kagawaran tulad ng DILG at Dangerous Drugs Board.
Ang mga ahensyang ito ay duguan ang mga kamay sa mga pamamaslang, pandurukot, ilegal na pag-aresto, pandarahas at pananakot sa mga magsasaka at lumad at maging sa mahihirap na drug users. All-out war budget ito laban sa mamamayan.
Habang buhos ang pondo sa Kill, Kill, Kill budget ng administrasyong Duterte ay Cut, Cut, Cut naman ito sa social services. Tuluy-tuloy ang pagbaba ng budget sa kalusugan mula noong 2016. Noong 2017, bumaba ng -20% ang badyet ng DOH, mula noon, bumaba pa ito ng pitong porsyento ngayong 2019 at sa susunod na taon.
Hindi na nga tinutugunan ng panukalang badyet 2020 ang pangangailangan ng mamamayan sa edukasyon, kalusugan, at pabahay, pinalalaki pa nito ang pondo sa paniniktik, paglabag sa karapatang pantao at pamamaslang ng mga kritiko at mamamayang lumalaban. Habang dinadahas ang mamamayan ay binubusog ang mga dayuhan at lokal na pulitiko sa maluhong imprastraktura at pork barrel funds. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)
311