PAO SASANDAL NA LANG KAY PANGULONG DUTERTE

PRO HAC VICE

DAHIL sa pagtapyas ng Senado sa kanilang pondo ay sasandig na lamang ang Public Attorneys Office (PAO) sa kapangyarihan ng Pagulong Rodrigo Roa-­­Duterte na i-veto ang 2020 budget para ‘di na makaltasan ang proposed budget ng PAO sa 2020.

Ayon kay PAO chief Persida Rueda-Acosta, naghain na sila ng 7 pahinang liham kay  Pa­ngulong Duterte na i-­veto ang special provision sa General Appropriations Bill na nag­lilimita sa paggamit ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng PAO at ope­rating expenses ng Forensic Laboratory nito.

Binigyan-diin sa liham ni Acosta ang kahalagahan ng kanilang Forensic Laboratory para matulungan ang milyun-milyong mahihirap nating kababayan na mapagkakaitan umano ng tulong sakaling maisakatuparan ang pagkaltas sa kanilang pondo.

Sobrang ikinadismaya ni Acosta ang P19.5 milyong pondo na tinapyas ng Senado na  nakalaan sa kanilang Forensic Laboratory na mayroong walong tauhan at ang maaaring pagkabalam sa kanilang mga isinasagawang eksaminasyon sa mga bangkay ng mga biktima ng kontrobersyal na Dengue Vaccine na Dengvaxia.

Paliwanag pa ni Acosta na mismong ang Department of Budget and Management umano ang naglaan ng pondo para sa Forensic Laboratory makaraang maipaliwanag ni Acosta ang kahalagahan nito sa kanilang mga hinahawakang mga kaso.

Dagdag pa ni Acosta na ang paglimita sa paggamit ng PAO ng kanilang MOOE ay makahahadlang sa operasyon ng kagawaran at labag din umano sa isinasaad ng Saligang Batas.

Sinilip pa niya ang pagkakaroon ng Commission on Human Rights na may ibinigay na pondo para sa forensic services nito. Bakit ang kanilang Forensic laboratory umano ay iniipit?

Sa pagtapyas sa kanilang pondo ng Senado sa pangunguna nina Sen. Franklin Drilon at Sen. Juan Edgardo Angara ay hindi tuloy ma­alis sa isipan ng PAO ang posibilidad na nagkaroon ng papel ang isang dating Health Secretary na ngayo’y isa nang Congressman. (Pro Hac Vice / BERT MOZO)

137

Related posts

Leave a Comment