Matagal na nating alam na ang Amerika at ang Tsina ay nasa gitna ng isang matinding kompetisyon kung sino sa kanila ang magiging lider ng mundo lalo na sa Asya. Nagsimula ang kompetisyon noon pa lang isang imperyo ang Tsina at papaangat ang Amerika bilang may pinakamalakas na pwersa-militar sa mundo at sentro ng makabagong teknolohiya at siyensya. Isang bayan para gawing demokratiko at Kristiyano ang Tsina para sa mga Amerikano noong isang imperyo pa ang Tsina.
Nang maging malapit sa Amerika ang Tsina noong panahon ni Deng Xiaoping, walang masyadong nag-isip na balang-araw ay magiging pinakamalaking ekonomiya sa mundo ang Tsina dahil na rin sa dami ng mahirap na Intsik. Pero lumago ang ekonomiya nito ng 8-10 porsyento kada taon simula noong payagan ang pribadong negosyo nang bumalik sa kapangyarihan si Deng kaya nabaliktad ang sitwasyon at mayorya na ng populasyon nitong mahigit na 1 bilyon ay nakaahon sa kahirapan.
At dahil mas maraming dolyar na hawak na ito mula sa trilyun-trilyong dolyar na taunang kita ng pamahalaan at ng mga kompanyang Intsik mula sa mga murang exports nito sa iba’t ibang bansa ay nagsimula na itong magpautang sa ibang bansa. Kasama rito ang Amerika na noong 2018 ay may utang sa Tsina na umabot na sa 1.12 trilyong dolyar, o 28 porsyento ng kabuuang pagkakautang ng pamahalaan ng Estados Unidos. Dahil ang kinabukasan ng isang ekonomiya ay nakatali sa siguradong pagkukunan ng enerhiya para laging tumatakbo ang mga industriya at agrikultura, laging nakatali sa mga proyektong may koneksyon sa enerhiya gaya ng supply ng langis o sigurado at ligtas na daanan ng langis at gas papunta sa Tsina ang mga bilyun-bilyong dolyar na pautang nito sa mga ibang bansa.
Ito ang isang estratehiya ng Tsina na naging dahilan para maging kalaban nito ang Amerika. Pinautang nito ng bilyun-bilyong dolyar ang mga bansang kalaban ng Amerika pati na ang mga mahihirap na bansa sa Africa na hindi pinapansin ng mga US banks gaya ng Venezuela. At para protektahan ang supply ng langis nito mula sa Middle East, nakipagkaibigan at nagpautang ito ng bilyun-bilyong dolyar sa mga bansang dinaraanan ng langis mula sa Persian Gulf tungo sa Malacca Strait gaya ng Syria, Israel, Pakistan, Sri Lanka, Maldives at Myanmar. Ang Pilipinas ay matagal nang nililigawan ng Tsina, pero dahil mas malakas ang mga Kano sa ating mga Filipino at sa ating mga politiko at media ay laging talo ang Tsina sa propaganda.
Pero hindi na mapigil ng Amerika ang tuluy-tuloy na paglaki ng ekonomiya ng Tsina na inaasahang tuluyan nang malagpasan ang Amerika sa taong 2020 bilang pinakamayamang ekonomiya sa buong mundo. At bilang mga tuta ng Kano ng mahigit isandaang taon, ipit na ipit ang Pilipinas sa away ng mga Kano at mga Intsik.
Mahaba pa ang kwento natin sa isyung ito kaya abangan. (Usapang Kabuhayan / BOBBY CAPCO)
260