PINAATRAS NG PUNA AT BATIKOS

EDITORIAL

HINDI masama ang pagpuna at pagbatikos para magmulat ng kamalayan tungo sa tamang desisyon.

Kinansela ng San Miguel Corporation (SMC) ang planong pagtatayo ng P95 billion Pasig River Expressway (PAREX).

Ayon kay SMC president at CEO Ramon Ang, pinakinggan ng kumpanya ang puna at alalahanin ng publiko hinggil sa proyektong imprastraktura.

Aniya, sensitibo sila sa opinyon ng publiko at kung iniisip ng mamamayan na hindi ito mabuti sa kapakanan ng publiko, ay hindi na ito gagawin.

Muling nagtagumpay ang panawagan, samu’t saring komento at opinyon.

Mula nang ipahayag ang mungkahing magtayo ng PAREX noong 2021, naging tampulan na ito ng kritisismo mula sa iba’t ibang sektor dahil sa posibleng epekto nito sa kapaligiran, trapiko at mga pamanang istruktura sa pampang ng Pasig River.

Ang PAREX ay six-lane na pinataas na expressway mula Radial Road 10 sa Manila hanggang C-6 road sa Taguig City.

Ang pagtatayo ng expressway ay hindi solusyon sa problema sa trapiko. Kailangang tutukan ng pamahalaan ang matino at sistematikong pagpapabuti ng mass transit systems sa Metro Manila sa halip na tumutok sa pagtatayo ng elevated toll roads.

Ayon sa Management Association of the Philippines (MAP), isang maayos na disenyong mass transit network, kabilang ang mabisang bus rapid transit systems, light rail transit, at metro systems ay maghahatid sa tao sa pupuntahan at mababawasan ang pagsisikip ng trapiko dahil malilimitahan ang paggamit ng mga pribadong sasakyan, mababawasan ang greenhouse gas emissions at mapabubuti ang kalidad ng hangin.

Ang tungkulin ng gobyerno ay bigyan ng maayos na serbisyo ang mga tao.

Kapag dumami ang mga expressway at lansangan ay lalong dadami ang mga pribadong sasakyan.

Gagastos ang gobyerno sa pagtatayo ng lansangan na hindi naman tugon sa problema sa trapiko.

Maaasahang mass transport system ang dapat pag-aksayahan ng atensyon.

32

Related posts

Leave a Comment