PINAKAKALMA LANG TAYO

IKINAGIGINHAWA ng iba ang mga survey na may positibong dating, kung totoo, at magaan sa pakiramdam ang bitbit na investment pledges na hindi pa nagiging katotohanan ay inaangkin nang tagumpay at ginagawa nang achievement.

Sa survey na ginawa noong Marso 24-28, 2023, walo sa sampung Pilipino ang naniniwala na nasa tamang direksyon ang bansa sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. Ito ay base sa mga polisiya at programang inihahayag at ipinatutupad ng administrasyon.

Tama ba ang direksyon kung ang outstanding debt ng bansa ay umabot na ng P13.86 trillion nitong Marso matapos ang karagdagang P104.15 billion para sa mga obligasyon sa domestic at foreign sources. Bagong record high, at 95% ito ng inaasahang P14.63 trillion utang ng bansa sa katapusan ng 2023.

Kung titingnan ang bawat anggulo at ang magkabilang parte ng bilog, ay mailalarawan na ang direksyon ng bansa ay sa liko-likong landas, at kung may patutunguhan, ito ay sa pagkawindang.

Hindi ito maitutuwid ng sinasabing 6,700 trabaho na malilikha kung matutuloy ang $1.3 billion halaga ng investment pledges bunga ng official visit ni Pangulong Marcos Jr. sa Estados Unidos.

Ang mga puhunan, ayon sa Pangulo, ay makatutulong sa economic recovery ng bansa.

Pangako pa lang ‘yan at ang pangako ay napapako at hindi nagiging katotohanan. Ano na ang nangyari sa ilang bilyong dolyar na pangako ng China? Mas malaki iyon kesa karay-karay ni Marcos, Jr. mula sa Estados Unidos.

Ang pangako ng mga Kano ay panimpla sana sa isa pang survey na kalahati o 51 porsiyento ng mga pamilyang Pilipino ang nagsasabing sila’y mahirap, batay sa isa ring survey. Ito ay katumbas ng halos 14 million pamilyang Pilipino.

Batay naman sa datos ng PSA, bumaba sa 2.42 milyon ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho nitong Marso. Ang pigura ay mula sa 4.7 porsyento, na bahagyang bumaba mula sa 4.8 percent noong Pebrero. Tumaas naman sa 95.3% ang employment rate o katumbas naman ng 48.58 milyong Pilipino na may trabaho sa bansa.

Kapag may kritikal na mga isyu na nangangailangan ng agarang pagtugon at atensyon para sa solusyon ay lumalabas ang mga survey.

Hindi kaya ang mga survey at pledges ay panakip na solusyon o pampakalma sa tensyon ng publiko sa kinakaharap na pagsisikap na makaahon sa hirap at ang masaklap, ay sa dusa?

121

Related posts

Leave a Comment