DPA ni BERNARD TAGUINOD
KUNG mayroong yumayaman sa Pilipinas ay ang mga politiko at oligarch na nakakukuha o nabibigyan ng malaking negosyo habang ang mga ordinaryong Pinoy ay kailangang magsumikap para makakain kahit papaano ang kanilang pamilya.
Nitong nagdaang mga araw, may mga lumabas sa social media na nakabili ng jet at chopper ang isang politiko. Hindi pa verified ang report pero NR as in No Reaction ang tinutukoy na politiko.
Iniisip tuloy ng mga tao na totoo ang tsismis dahil kung hindi ito totoo malamang ay nagwala na ito at aakusahan na sinungaling ang mga nagpapakalat ng impormasyong ito at magsasampa siya ng libel case.
Isa lang ‘yan sa patunay na ang mga politiko lang ang yumayaman sa ating Inang Bayan kaya siguro maraming gustong pumasok sa pulitika lalo na ‘yung mga walang kwalipikasyon para maging congressman at senador.
Kung magagawi kayo sa Batasan Pambansa, parang may car show araw-araw dahil sa mamahaling mga sasakyan ng mga congressman. Hindi ako eksperto sa mga sasakyan pero palagay ko hindi bababa sa P5 million ang halaga ng kanilang sasakyan.
Bukod sa sariling sasakyan ng congressmen, may mga sport utility vehicle (SUV) pa na kanilang back-up cars na sasakyan ng kanilang sangkaterbang bodyguard. Hindi lang isa ang back-up car nila ha, may dalawa at ‘yung mga overacting sa kanilang seguridad ay tatlo pa ang back-up cars nila.
Bakit car show? Ipagpalagay na lang natin na 200 sa 316 congressmen ang papasok araw-araw, kung tatlo ang kanilang sasakyan kasama ang kanilang dalawang back-up cars, 600 SUVs na ‘yan at kung tatlo ang kanilang back-up cars, eh ‘di 800 SUVs na ang nasa loob ng Batasang Pambansa.
Kaya nga nagpatayo ng mga elevated parking lot ang Kamara dahil sa dami ng sasakyan ng mga congressman. Hindi pa kasama dyan ang mga sasakyan ng mga empleyado kaya parang may car show araw-araw sa Batasan Pambansa Complex.
‘Yung mamahaling mga sasakyan ng mga congressman ay patunay na hindi sila naghihirap bagkus ay yumayaman sila habang ‘yung mga pinangakuan nila ng magandang buhay kapag panahon ng kampanya, ay isang kahig, isang tuka pa rin.
Pero hindi ako nagtataka dahil karamihan o marami sa mga congressman ay mga contractor ng government projects. Kapag nasa Kongreso na sila, kunwari iwi-withdraw nila ang kanilang interest sa kanilang construction company pero ang mamamahala ay ang asawa o mga anak. Alam nating pinagloloko nila tayo pero tahimik lang tayo.
‘Yung iba naman ay may mga alagang kontratista na lagi na lang nananalo sa bidding ng malalaking proyekto ng gobyerno at siyempre alam niyo ang kasunod n’yan kaya payaman sila nang payaman.
Iniisip ko tuloy, kaya maraming politiko ang pumapasok sa pulitika ay para magnegosyo at siyempre para magkaroon ng kapangyarihan kaya ‘yung sinasabi nila tuwing eleksyon na gusto nilang magsilbi, pambubudol yun!
51