POLO-OWWA KUWAIT, MABILIS UMAKSYON

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

KAHANGA-HANGA ang mabilis na pagkilos ng ating Philippine Overseas labor Office (POLO) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa bansang Kuwait.

Matapos na ating mailathalata sa ating pahayagang Saksi Ngayon, ang sumbong nina OFW Jenelyn Blanche at ­Christina Perez ay agad na ­nag-utos ang ating POLO-­OWWA ng madaliang pag-rescue sa nasabing mga kabayani.

Magugunita na ang dalawang nasabing OFW ay na-deploy ng Catalyst International Manpower noong Marso 2022. Ngunit sumbong nila ay ­sadyang sagad hanggang buto ang pagod na nararanasan nila sa kanilang amo dahil maging ang pagbubuhat ng mabibigat na mga bagay katulad ng mala-higanteng carpet ay iniuutos sa kanila para dalhin mula sa ground floor hanggang sa ika-5 palapag ng building na kanilang tinitirhan.

Isinumbong din nila na ­kahit na sila ay may sakit ay pilit pa rin silang pinagtatrabaho, katunayan ay pareho silang nadala sa ospital. Ngunit bago sila ipinagamot ay tila lagpas hanggang ulo ang pagmumura at pagsigaw ng kanilang amo at kinuha pa ang kanilang mga Civil I.D. at hindi na ibinalik sa kanila kung kaya hindi na sila makalabas ng kanilang tahanan dahil kapag nasita sila ng pulis na walang bitbit na Civil I.D. ay malamang na makulong pa sila.

Sa mensahe na ­ipinarating sa AKOOFW ng ating volunteer advocate na si Aiysha ­Consuelo na nakabase sa bansang ­Kuwait, ipinaparating nina OFW Blanche at OFW Perez ang kanilang pasasalamat sa mabilis na pag-aksyon ng POLO-­OWWA sa Kuwait sa ­pamumuno nina Labor ­Attache Nasser Mustafa at ­Welfare ­Officer Genevieve Aguilar-Ardiente.

Samantala, ibig iparating ng AKOOFW ang malugod na pagbati kay Chareg de Affair Jose A. Cabrera III na opisyal nang nakapasa sa Commission on Appointment (COA) bilang bagong Ambassador ­Extraordinary And Plenipoten­tiary sa bansang Kuwait.

Kabilang si Ambassador Cabrera sa 60 diplomats na nakapasa sa pagkilatis ng makapangyarihang Commission on Appointments.

Bilang CDA sa Kuwait ay nakitaan na si Ambassador Cabrera ng kabutihang loob at naging malapit sa puso ng Filipino Community sa Kuwait kung kaya sadyang nagbubunyi ang FILCOM Leaders lalo na ang ating mga AKOOFW Chapter sa Kuwait na pinamumunuan nina Romano Roman at May Saguitan Siapno.

Ang buong pwersa ng AKOOFW sa Kuwait ay patuloy na makikipagtulungan at susuporta sa lahat ng magandang adhikain ng pamunuan ng ating embahada sa Kuwait at maging sa POLO OWWA upang masiguro ang karapatan at kapakanan ng ating mga bagong Bayani.

Umaasa naman ang lahat ng mga OFW sa Kuwait na ipagpapatuloy ni Ambassador Cabrera ang pinasimulan niyang magandang ugnayan sa mga OFW.

***

Kung kayo ay may nais na iparating na pagbati o sumbong ay ipadala lamang ang inyong liham sa aking email address na drchieumandap@yahoo.com o sa saksi.ngayon@gmail.com

334

Related posts

Leave a Comment