PRESS RELEASE NI SPEAKER ROMUALDEZ

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

DAPAT lang gamitin ang 2024 budget sa tama dahil galing ito sa pawis ng mga tao.

Sinaling na naman ni Speaker Martin Romualdez ang mababaw na damdamin ng mga buwisero, na madaling maantig ng balat-kayong taos-pusong malasakit sa mga Pinoy.

Magandang pakinggan at basahin, ngunit katulad lang ito ng pangakong “bente” ng kanyang pinsan na suntok sa buwan.

Gagastahin daw ng pamahalaan sa tama ang 2024 National Budget na P5.768 trilyon. Sa mga nararapat na proyekto at serbisyo ng mamamayan.

Siniguro na sa tama, eh wala pa nga sa palad.

Ano ‘yan New Year’s Resolution na ginawa bago ang pagsalubong sa bagong taon pero hindi pa nga nawawala ang amoy ng pulbura at kalat ng mga paputok at fireworks matapos ang putukan ay limot na ang resolusyon ng pagbabago at gustong tupdin.

Sabagay, madaling gumawa ng press release.

Kahit anong busising gawin ng Kongreso sa bawat piso at sentimo na hinihingi ng mga ahensya ay hindi nangangahulugan na gagamitin sa tama at nararapat ang inilaang pondo sa kanila.

Ngayon pang haling na haling ang ibang ahensya sa confidential at intelligence funds. Paano masisiguro na gagamitin sa tama eh sikreto nga? Lihim nga ang pondo kaya hindi hayag saan at paano ginastos.

Baka pabalat lang ito ni Mr. Speaker para makabawi sa mga kapalpakan ng gobyerno na sa mahigit isang taon sa panunungkulan ay puro nakababanas na isyu ang sunod-sunod, kundi man, nagsasapawan ang nalilikha.

Dapat sa umpisa pa lang ng administrasyong Marcos ay sa tama at karapat-dapat na inilaan ang pondo. Kaya paano maniniwala ang publiko na sa tama mapupunta ang pinagpawisan nila gayung ang daming butas ang nasilip sa pamahalaan sa unang mahigit isang taon nito sa kapangyarihan.

Ibig bang sabihin, pasensya na muna sa nangyari sa una kaya magpapramis na magbabago na sa sunod na taon.

Ngayon na dapat ipakita. Gawin na oras mismo.

Sa dami ng isyung hindi nareresolba, tiyak na mapapako ang pangako.

Ito mga ehemplo. Unahin natin ang Presidente na ipinagmamalaki ang mga biyahe sa labas ng bansa na nakakuha ng “pledges” pero parang di naman nagkatotoo.

Ang presyo ng mga bilihin ay pataas nang pataas, lalong nagsisikip ang trapik, hindi matigil na paglobo ng presyo ng produktong petrolyo at iba pang pampabigat na pasanin ng sambayanan.

Teka, ang sentro nga pala ay ang taas-presyo ng bigas.

‘Yan kasing Pangulo ay ayaw paawat sa pagrenda sa DA. Kailangan ng ahensiya ang may sapat na kaalaman, buong panahon at atensyon sa pamamahala nito. Ano ang magagawa ng isa riyan na part timer na sa trabaho ay hindi pa pala sumisipot sa mga mahalagang pagpupulong?

‘To namang DepEd, nakararanas na ang bansa ng learning poverty rate na 90.9% ay iba pa ang inuuna. Mas mahalaga siguro ang baklasan, toothbrush drill kaysa ikatututo ng mga estudyante. ‘Di bale na kulang ng 159,000 silid-aralan basta malinis ang dingding.

Sa daming isyu na sumulpot lang sa mahigit isang taon, tiyak na dadami pa mga ‘yan.

Habang takam na takam ang mga ahensiya sa CIF at habang ang itinatalagang mga opisyal ay hindi wagas ang karakter at hindi tunay na may malasakit sa serbisyo at interes ng mga tao, ay walang katiyakan na sa karapat-dapat mapupunta ang galing sa pawis na buwis.

Baka nga raw ang Pangulo at mga alipores ang higit na makinabang sa galing sa pawis.

Sa mga hindi pinawisan sa paggasta ng buwis na galing sa pawis ng mga tao, aba makonsensiya naman kayo.

166

Related posts

Leave a Comment