PROBE SA POWER OUTAGE SA PANAY ITINULAK NI SEN. HONTIVEROS

BALYADOR ni RONALD BULA

ITINULAK ni Senator Risa Hontiveros sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso na magsagawa ng malawakang imbestigasyon kaugnay sa power outage na nararanasan sa Panay at Guimaras Island.

Sa inihaing Senate Resolution 890 ni Hontiveros, iginiit nito na kailangan ng malaliman at mas malawak na pagsisiyasat para malaman ang tunay na dahilan sa likod ng blackout noong Enero 2.

Tinukoy ni Hontiveros na ang nangyaring malawakang power interruption ay nagdulot ng malaking abala sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao sa lalawigan, pagkalugi ng mga negosyo, pagkaparalisa ng operasyon ng mga tanggapan ng gobyerno, paaralan at ospital.

Punto ng senadora, kung ikokonsidera ang nakaraang mga imbestigasyon na wala namang malinaw na resulta, mahalaga na magsagawa ng komprehensibo, mabusisi, at malawak na pagsisiyasat kabilang na ang review sa concession agreement sa pagitan ng National Transmission Commission at National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) gayundin ang pagrepaso sa 25 taong legislative franchise ng NGCP.

Dagdag ni Hontiveros, nararapat lamang ang agarang review at pagpapaigting para sa epektibong protocols gaya na lamang ng mekanismo ng Department of Energy (DOE) sa mga insidente tulad ng nangyaring tuluy-tuloy at wala sa planong shutdown ng power plants.

Samantala, nagpahayag din ng pagkabahala si Senadora Imee Marcos na mas malala pang sitwasyon ang mararanasan sa Western Visayas sa tag-init sa oras na hindi maaksyunan ang kakapusan ng enerhiya sa rehiyon.

Binigyang-diin ni Marcos na hindi dapat nararanasan ang ganitong suliranin sa pagbubukas pa lamang ng bagong taon.

Sa gitna aniya ng paninisi sa power plant tripping, naiwasan sana ang problema kung nakumpleto na ang Cebu-Negros-Panay backbone project na long-term solution para sa krisis sa enerhiya sa naturang lugar.

Nangako si Marcos na maghahain ng resolusyon upang siyasatin ang isyu at matukoy ang tunay na dahilan ng power outage at maglatag ng mga posibleng solusyon.

Nakababahala aniya na sa pagpasok ng summer season ay mas malala pang power outages ang maranasan na labis na makaaapekto sa ekonomiya.

@@@

Para sa Suhestiyon at reaksyon, tumawag sa 09397177977 / 09368625001 o ‘di kaya mag-email sa balyador69@gmail.com

66

Related posts

Leave a Comment