PRODUKTO NG CHINA IPINANAWAGANG IBOYKOT

PUNA ni JOEL O. AMONGO

GUSTO ng ating mga nakausap na dapat mas matapang ang aksyon ng ating gobyerno laban sa China para maramdaman nito na hindi tayo natutuwa sa ginagawa ng kanilang Coast Guard sa Philippine Coast Guard (PCG).

Ayon sa kanila, kung hindi man gagawa ng mas matapang na aksyon ang gobyerno ng Pilipinas laban sa China, ay ang taumbayan na ang gumawa ng paraan.

Nais nilang iboykot na lamang ng mga Pilipino ang lahat ng mga produkto ng China na pumapasok o ibinebenta sa Pilipinas.

Bukod sa pagboykot sa China made products ay kondenahin din ang lahat ng kanilang mga proyekto na ginagawa ngayon at gagawin pa sa Pilipinas.

Kasama na rito ang mapanganib na Manila Bay Reclamation projects na ang contractor ay ang China Communications Construction Company.

Nauna nang sinabi ng Amerika na ang ginagawang Manila Bay Reclamation projects ay posibleng makaapekto at mapanganib sa 14 milyong Pilipino sa sandaling mangyari ng “The big one” na lindol na may lakas na 7.2 pataas.

Maging si Department of the Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Toni Yulo Loyzaga ay kumbinsido na masama ang epekto ng Manila Bay Reclamation projects.

Hindi naman kuntento si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez sa ginawang aksyon ng gobyerno ng Pilipinas sa China na isa lamang “note verbale” ang ipinadala ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Chinese Embassy bilang protesta sa ginawa ng kanilang coast guard sa Philippine Coast Guard.

“I ask the President to downgrade our embassy in Beijing to show our deep indignation, anger and protest over the water cannon blast by the Chinese Coast Guard on our personnel,” ayon sa mambabatas.

Ayon pa sa mambabatas, kailangan na rin pauwiin ni Pangulong Bongbong Marcos ang ambassador ng Pilipinas sa China na si Ambassador Jaime Florcruz na inilarawan nito bilang “unusually quiet and inactive ambassador” at palitan ito ng lower-level diplomatic officer.

Sinabi pa niya, hindi dapat payagan ng gobyerno ng Pilipinas ang pangha-harass at pambu-bully na ginagawa ng China sa PCG.

Pabor naman si Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte na ituloy ang matagal nang planong joint military patrol ng Pilipinas at United States (US) at iba pang kaalyadong bansa sa West Philippine Sea (WPS).

Maghahain ang mambabatas ng resolusyon sa Kamara para kondenahin ang naging aksyon ng China laban sa PCG sa loob mismo ng 200 miles exclusive economic zone ng Pilipinas.

Sa ganang akin, kaya hindi masyadong makagalaw ang gobyerno ng Pilipinas laban sa China dahil nakatali ito sa mga proyekto na ang contractor ay China company.

Malaki rin ang naitulong nito (China) noong kasagsagan ng COVID-19 dahil ito ang kauna-unahang bansa na nagpadala ng bakuna sa Pilipinas na libre pa.

Kaya kung hindi gagawa ng mas matapang na aksyon ng gobyerno, mas makabubuti na lamang na ang taumbayan na ang gumawa ng hakbang tulad ng pagboykot sa mga produkto ng China na nasa Pilipinas.

‘Wag nating tangkilikin ang kanilang mga gawa na ibinebenta sa Pilipinas para mapansin ng kanilang gobyerno at ipanawagan pa ito sa ibang bansa sa Asya.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

169

Related posts

Leave a Comment