RAPIDO NI TULFO
NAKAHARAP na sa wakas ng mga miyembro ng Quad Committee ng Kamara si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdinig na isinagawa noong Miyerkoles. Ang Quad Committee ay binubuo ng Committees on Dangerous Drugs, Public Accounts, Public Order and Safety at ng Human rights. Ito ay pinamumunuan ni Dangerous Drug Committee Chairman at Surigao Del Norte 2nd District Representative Robert “Ace” Barbers.
Pero kung ako ang inyong tatanungin mukhang “nabalahibuan” ng dating pangulo ang mga miyembro nito. Ang terminong nabalahibuan ay isang salitang kanto kung saan ang ibig sabihin ay natakot.
Sa aking panayam kay Dr. Froilan Calilung, isang political analyst sa aking programa sa DZME, sinabi nito na sinayang ng mga mambabatas ang pagkakataon na magisa si dating Pangulong Duterte sa mga isyu na may kinalaman sa “Extra-Judicial Killings” na nangyari sa ilalim ng administrasyon nito.
Ito pa naman sana ang “climax” ng naunang mga pagdinig ng Quadcom o Quad Committee ukol sa isyu. Dahil matatandaang direktang idinawit ni dating P/Col. at PCSO general manager Royima Garma ang dating pangulo sa madugong kampanya laban sa illegal na droga noong nakaupo pa ito.
Nanghinayang si Prof. Froilan dahil hindi naitanong ng mga mambabatas ang mga dapat na itanong kay Digong.
Pinuri naman ng professor ang pagiging prangka ng dating pangulo sa pagsagot sa mga tanong sa kanya, kumpara sa naunang pagdinig na ginawa ng naturang komite sa ibang isyu tulad ng POGO halimbawa. Matatandaang palagiang ginagamit ng resource persons tulad nina Cassandra Ong, Alice Guo ang kanilang karapatan na manahimik o huwag sagutin ang mga tanong, ayon na rin sa payo ng kanilang mga abogado.
Pero iba si Tatay Digong na may kasama ring mga abogado sa hearing. Dahil hindi na nito kinakailangan ng payo para sagutin ang mga tanong ng mga mambabatas.
Marami rin ang natawa sa inasal ng dating pangulo na akmang babatuhin ng mikropono si dating Sen. Antonio Trillanes IV na naimbitahan din sa naturang pagdinig.
Ang aking score sa resulta ng pagdinig? Duterte – 1 laban sa 0 – Quad Committee!
7