RESORT SA BOHOL BINABALEWALA ANG DENR

RAPIDO ni PATRICK TULFO

NAG-VIRAL ang isang post sa social media kung saan ipinakita ng isang vlogger o content creator ang isang resort na itinayo sa pagitan ng mga burol ng pamosong Chocolates Hills sa Bohol.

Ang resort na isang waterpark ay matatagpuan sa bayan ng Sagbayan. Sa kuha ng vlogger, ipinakita nito ang lawak ng resort mula sa himpapawid sa pamamagitan ng isang drone shot at makikita na ang ilang istruktura (structures) ay nasa gitna mismo ng mga burol.

Ayon sa mga report, ang The Captain’s Peak Garden and Resort ay itinayo noon pang 2018 at ito raw ay pag-aari ng isang dating seaman na nagngangalang EDGAR BUTTON. Itinanggi naman ng kapatid nito na administrator ng resort na si Julieta Sabas, na may nilabag silang batas nang itayo ang naturang resort.

Pero inamin naman nito na sinira nila ang ilang bahagi ng burol na nasasakupan ng kanilang lupa na pasok naman daw sa standards na itinakda ng gobyerno.

Ang mga katanungan ngayon sa isyung ito ay sino ang dapat sisihin sa pagtatayo ng waterpark na ito? Bakit natapos ang konstruksyon nito na wala man lang pumigil habang ginagawa ito?

BAKA NAMAN NAGLAGAY ANG MAY-ARI NITO SA MGA KINAUUKULAN KAYA NAITAYO ANG KANYANG RESORT NANG WALANG ABALA!

Sa sagot naman na ipinadala sa amin ng Department of Environment and Natural Resources, sinabi nito na ang Chocolate Hills na may bilang na mahigit isang libong burol at nasasakop ng ilang bayan Sa Bohol, ay idineklarang protected area noong July 1,1997 sa pamamagitan Proclamation no. 1037.

Nasa listahan din ito ng UNESCO (United Nations Educational Scientific and Cultural Organization) na pinakaunang “Global Geopark” sa bansa.

Ayon sa probisyon ng Proclamation no.1037, kailangang sumunod sa alituntunin na itinakda ng DENR ang developments na gagawin ng mga may titulo sa loob ng protected area bago pa man nailabas ang proklamasyon na ito.

Sa statement na inilabas ng DENR, sinabi nito na sa kaso ng The Captains Peak Resort, ay naglabas na sila ng TEMPORARY CLOSURE ORDER noong September 5, 2023 at NOTICE OF VIOLATION TO THE PROJECT PROPONENT nito lang January 22, 2024 dahil sa kawalan ng Environmental Compliance Certificate (ECC).

Ngunit mistulang binabastos ng may-ari nito ang DENR!

80

Related posts

Leave a Comment