SANA ALL

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MAPAPA-SANA ALL tayo na lahat ng government hospital ay maging katulad ng Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital (DJNRMH) sa pagseserbisyo sa kanilang mga pasyente.

Sa 30-taon na aking pagiging media practitioner, sa ospital na ito ko lang nakita kung gaano kaayos ang mga empleyado at medical practitioners sa pagserbisyo sa kanilang mga pasyente.

Sa dinami-rami ng mga pasyanteng pumapasok araw-araw sa DJNRMH mula sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan nito, maayos pa rin ang lahat ng kanilang sistema.

Mula sa aking anak, asawa at ako mismo ay naranasan ko kung gaano kami inasikaso ng doctors, nurses at empleyado ng ospital na ito.

Kaya hindi nakapagtataka kung bakit mula sa mga residente sa Metro Manila, Bulacan, Rizal at iba pang mga lalawigan, ang nagsasadya sa pagamutan na ito para magpagamot.

Bukod sa maganda at maluwag ang kinalalagyan ng ospital ay malamig din dito dahil napalilibutan ito ng mga puno kaya malamig ang simoy ng hangin.

Ang DJNRMH na dating kilala sa tawag bilang Central Luzon Sanitarium, ay itinatag noong 1940 para gamutin ang mga pasyenteng may Hansen’s Disease sa buong rehiyon ng Luzon.

Ang DJNRMH na accredited ng Philippine Health Insurance Corporation, ay mayroon 2,000 beds capacity na nakatayo sa 130 hectares na lupain sa Saint Joseph Avenue, Tala, Barangay 186, Caloocan City.

Ito ay bukas 24-oras para sa kanilang mga pasyenteng walang patid ang pagdating mula sa iba’t ibang mga lugar.

Wala rin pinipiling pasyente ang DJNRMH, maging mahirap ka man o mayaman, kahit saan ka pa galing ay paglilingkuran ka nila.

Naging COVID-19 referral hospital din ang DJNRMH noong kasagsagan ng pandemya, kung saan ay naging malaking papel nila para mabigyan ng lunas ang libo-libong pasyenteng pumapasok dito.

May mga negatibong nagsasabing maraming namamatay sa ospital na ito, isa marahil sa dahilan ay bago dalhin sa kanila ang pasyente ay malala na ang sakit nito, matapos tanggihan sa ibang pagamutan.

Sa dinami-rami ng mga pasyante na pumapasok dito ay maliit na bahagi lamang nito ang binabawian ng kanilang buhay.

Sa gradong 1-10, ang ibibigay ko sa DJNRMH ay 9 dahil personal naming naranasan kung gaano kaganda at makamasa ang ospital na ito.

Kaya sinabi kong SANA-ALL, ganito ang lahat ng mga ospital ng pamahalaan.

Sana maisip ng ating mga mambabatas na mabigyan ng malaking pondo ang DJNRMH para mas marami pa silang pasyenteng mapagsilbihan.

Mabuhay ang medical practitioners, empleyado at mga guwardiya ng DJRMH! Maraming salamat po sa inyong magandang serbisyo sa aming mga pasyente.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

137

Related posts

Leave a Comment