SINONG MAY ‘LAM’ SA PAGBITIW NI ZUBIRI BILANG SENATE PRESIDENT?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NOONG Mayo 20, 2024, mismong huling Linggo ng sesyon ng Senado, inihayag ni Senate President Migz Zubiri ang kanyang pagbibitiw sa pwesto.

Hindi raw umano siya nakasunod sa instruction sa kanya mula sa mga makapangyarihang tao ng bansa, para itigil ang hearing ng Senado sa PDEA leaks, ang dahilan ng pagbibitiw ng senador.

Ito ay tungkol sa pagdinig na pinangunahan ni Senador Bato dela Rosa, kung saan ay ginisa si dating PDEA agent Jonathan Morales.

Layunin ng pagdinig ay para alamin ang katotohanan sa isyu kung kasama nga si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos sa listahan ng gumagamit umano ng ipinagbabawal na gamot.

Nagsimulang uminit ang isyung ito nang minsan ay magsalita si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isang pagtitipon, na nakita niya noong mayor pa siya, na kasama sa listahan ng PDEA si Pangulong BBM, sa mga gumagamit ng bawal na droga.

Ayon sa pananalita ni Sen. Zubiri, hindi siya kayang diktahan ng kahit sinoman para ipatigil ang mga pagdinig sa Senado na ginagawa ng Senate Committees.

Ayon pa sa kanya, hindi niya tinanggap ang pagiging pangulo ng Senado para lang bumagsak ito.

“Today I offer my resignation as Senate President of the Republic of the Philippines,” ani Zubiri.

Kasabay ng paghahayag na kanyang resignation, inisa-isa ni Zubiri ang mga nagawa ng Senado sa ilalim ng kanyang pamumuno, kabilang na ang pagtutol sa People’s Initiative.

Aminado si Zubiri na masama ang kanyang loob o heartbroken siya dahil sa pagtraydor sa kanya ng ilang mga kasamahan sa Senado.

Aniya, ang hirap maging politiko sa Pilipinas, pinakamasakit ang traydurin ka ng pinagkakatiwalaang tao na alam mong kasama mo, na sinabing 100% na suportado ka pero pagkatapos ng 24-oras ay biglang nagbago ang ihip ng hangin.

Hindi na umano sumasagot sa text messages niya ang nagsasabing 100% full support sa kanya, makalipas ang 24-oras ay wala na ito.

Ayon pa sa senador mula sa Bukidnon, may mga nagsasabi sa kanya na ipatigil na raw ang pagdinig ng Senado sa PDEA leaks kung saan pinag-uusapan ang umano’y paggamit ng illegal drugs ni Pangulong BBM.

Ayon pa sa text message, hindi raw ito maganda at makasasama sa Senate President ang ginagawang hearing sa PDEA leaks.

Nagsimulang maramdaman ni Zubiri na may mga nagtampo sa kanya sa usapin pa lamang ng PI, nang tinutulan niya ito.

Sinabi pa ni Zubiri na noong panahon ni dating Pangulong Duterte na kung saan nagkaroon ng isang taon na pagdinig sa isyu ng kontrobersyal na Pharmaly, na pinangunahan ni dating Blue Ribbon Committee chairman Dick Gordon, ay hindi niya ipinatigil ang hearing dahil tradisyon ito sa Senado.

Ayon pa sa senador, mula noon sa PI hanggang ngayon sa Senate hearing sa PDEA leaks na pinamunuan ni Sen. Bato dela Rosa, ay lalo pang lumala ang pressure sa kanya.

“Maraming nagsabi sa ‘kin, alam mo itigil muna ang mga hearing, ganito, ganyan, pero mahirap magsalita, sa ‘kin lang, hindi na natigil ‘yun sa PI pa lang, hindi po tayo sumang-ayon sa PI, dyan na po nag-umpisa ‘yun,” anang senador.

Pumutok ang balita kamakailan, na ang nagsusulong ng PI sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ay si Speaker Martin Romualdez na suportado diumano ni First Lady Liza Araneta-Marcos (LAM).

Kamakailan, inamin din ni LAM sa interview sa kanya na masama ang kanyang loob kay dating Pangulong Duterte matapos itong magsalita na ‘drug addict’ si Pangulong Bongbong Marcos.

Sa pagtatanong naman ni Vicky Morales ng GMA-7, kay dating Senate President Migz Zubiri, kung suportado pa ba nito si Pangulong Bongbong Marcos, ay hindi agad nakasagot ang senador na kalaunan ay sinabing, “That is another discussion”.

Isiwalat na kaya ni Sen. Zubiri sa susunod na pagkikita nila ni Vicky Morales ng GMA-7, kung sino ang nag-pressure sa kanya na naging dahilan ng kanyang pagbibitiw bilang Senate President?

Si Sen. Migz Zubiri, isa sa mga senador na kumandidato sa ilalim ng UniTeam na binuo ng Marcos-Duterte tandem noong 2022 presidential election, ang pinakabagong kumalas sa grupo.

oOo

Para sa suhestiyon at sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com.

183

Related posts

Leave a Comment