‘YAN ANG PULITIKA SA PINAS

DPA ni BERNARD TAGUINOD

HINDI na ako nagulat sa turn of events sa Senado nang tanggalin si Sen. Juan Miguel Zubiri bilang Senate President at maging ang pagsama ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kay Migz dahil ganyan ang pulitika sa ating bansa.

Lalong hindi na ako magugulat kung may kamay ang Malacañang sa kudeta sa Senado dahil open secret naman na may basbas talaga ang Pangulo ng bansa kung sino ang nais niyang maging Speaker of the House at Senate President.

Hindi naman talaga independent ang Legislative Branch sa Executive. Ang Judiciary, oo independent dahil hindi ‘yan kayang impluwensyahan ng Executive department, kahit ang Pangulo ang appointing officer sa mga Huwes, Justices sa Court of Appeals at Supreme Court.

Kung talagang independent ang Legislative branch, hindi sisipsip at hihingi ng basbas ang isang kandidato sa Speakership at Senate President sa Pangulo para sila maluklok sa pinakamataas na puwesto sa Kongreso.

May dahilan naman para makialam ang Pangulo ng Pilipinas kung sino ang dapat maging Speaker of the House dahil kailangang hawak niya ang Mababang Kapulungan dahil kung hindi ay delikadong ma-impeach siya.

May kapangyarihan kasi ang Kamara na magpa-impeach ng Pangulo kaya kailangang kaalyado niya at loyal sa kanya ang Speaker of the House habang sa Senado, kailangan ding kaalyado din niya ang Senate President para masiguro na lahat ng kanyang pet bills ay maipasa.

Hindi naman ngayon lang nagkaroon ng kudeta sa Senado dahil marami nang Senate President ang nakudeta dahil sa internal grievances ng mga senador at madalas nakakaladkad ang sitting president.

‘Yung pagbaliktad ni Sen. Bato kay Zubiri ay hindi na rin bago dahil sa nakaraang mga kudeta sa Senado ay may mga bumalimbing din kaya nagtatagumpay ang pagpapatalsik sa sitting Senate president.

Hindi naman talaga uso sa mga politiko ang loyalty sa kanilang kasamahan at lantad ang katotohanan na walang permanenteng kaibigan sa pulitika at ang permanente lang ay personal na interes nila.

Kahit sa Kamara, pansariling interest ng mga congressman ang dahilan kung bakit iniiwanan nila ang kinukudetang Speaker tulad noong ikudeta ng grupo ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo si dating Speaker Pantaleon Alvarez noong 2018.

Tiwalang-tiwala si Alvarez na hindi siya matatanggal bilang Speaker dahil marami siyang kaalyado kumpara sa grupo ni Arroyo pero noong makakuha na ng sapat na suporta ang dating Pangulo ay iniwan siya ng halos lahat ng mga congressman.

Ibig lang sabihin, dapat tanggapin ng mga politiko na ‘yung mga kaibigan o kaalyado nila ngayon ay kakalas din sa kanila balang araw lalo na kung wala na silang mahihita sa kanya dahil nakataya ang kanilang personal na interes.

55

Related posts

Leave a Comment