MAGKAKASALUNGAT talaga mag-isip at mag-interpret ng batas ang mga abogado.
May kanya-kanya silang pananaw o opinyon sa iba’t ibang kaso.
Intindido ko ang usaping ‘yan dahil kung naging abogado ako, siguradong iba rin ang opinyon ko sa ibang abogado.
Ang hindi ko maintindihan at nakaaalarma ay ang ginawa ni Solicitor General Jose Calida na pagtatanggol sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na hindi raw dapat nagbabayad ng buwis ang mga kompanyang bahagi ng industriyang ito at ang kanilang mga empleyado.
Mayorya ng mga negosyante sa POGO ay mga Intsik.
Sa ginawa ni Calida, binigyan niya ng “legal basis” ang mga dayuhang kompanya sa industriya ng POGO na huwag magbayad ng buwis sa Pilipinas.
Mabuti na lang nagsalita agad ang kalihim ng Department of Finance na si Carlos Dominguez III na nagsabing mali si Calida.
Idiniin ni Dominguez na kailangan at obligadong magbayad ng buwis ang mga may-ari ng mga kompanya sa POGO at mga kawani nito, sapagkat dito sa Pilipinas ang kanilang operasyon ng sugal.
Sumasang-ayon ako sa posisyon ni Dominguez, sapagkat ginagamit ang Pilipinas ng mga kompanyang pasok sa POGO upang magnegosyo ng online gambling.
Kaya, dapat lamang silang magbayad ng buwis.
Sa datos ng Bureau of Internal Revenue (BIR), maraming POGO companies ang hindi nagbabayad ng buwis na ang iba ay umaabot sa mahigit isang bilyong piso.
Hindi dapat nagsasalita si Calida nang hindi lubos na pinag-aaralan ang isyu, sapagkat bilang solicitor general ng pamahalaan ay mayroong epekto ang kanyang mga pahayag.
Hindi rin siya puwedeng magbigay ng “personal” na opinyong legal, sapagkat mahirap ihiwalay ang kanyang personal na pananaw sa kanyang pagiging abogado ng pamahalaan.
Ang pinakamahusay na dapat gawin ni Calida ay itikom ang kanyang bibig kung wala rin naman siyang sasabihing maganda o kung makagugulo sa operasyon ng pamahalaan laban sa mga dayuhang negosyante. (Badilla Ngayon / NELSON S. BADILLA)
120