SOLONS HUMIHIRIT NG VIP TREATMENT SA KALSADA?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

ANG lansangan ay hindi ginawa para sa pribilehiyo ng iilan, lalo na sa mga politiko, pero alam niyo ba na humihingi raw ng exemption ang mga congressman sa traffic rules para ‘di maapektuhan ang pagganap nila sa kanilang trabaho?

Nabuko ito sa sulat ni House Secretary General Reginald Velasco para sabihan sila ukol sa pagpapa-recall ng protocol plates sa nakaraang mga Kongreso bago sila isyuhan ng plakang 8 para ngayong 19th Congress.

“We will make presentation with the MMDA (Metro Manila Development Authority) to give due consideration to the request of the House Members to be exempted from the agency’s traffic rules and regulations which may unduly hinder the performance of the duties of the House Members as the nation’s key legislators,” bahagi ng sulat ni Velasco sa mga kongresista.

Ibig sabihin, gustong ma-exempt ng mga congressman sa traffic rules and regulations dahil maging sila ay hindi kaya ang sinusuong na trapik sa Metro Manila kada araw kaya nais nilang bigyan sila ng VIP treatment?

Anong klaseng traffic rules and regulations ang nais ng mga congressman na sila ay ma-exempt? Ang dumaan sa bus lane sa EDSA? Huwag silang hulihin kahit nag-violate sila tulad ng ‘beating the red light’ at magpatakbo ng higit sa itinakdang 60 kilometers per hour sa Commonwealth Avenue?

Hindi nilinaw kung anong exemption ang gusto ng mga congressman pero hindi kaya nakahihiya naman ito sa ordinaryong mga motorista na naiipit araw-araw sa trapiko sa Metro Manila?

Ang problema dyan, hindi naman si congressman ang nagmamaneho ng kanyang sasakyan at maraming pagkakataon na may convoy sila na mga sasakyan papuntang Batasan Pambansa Complex, na walang galang sa ibang motorista.

Bihira ang congressman na isang sasakyan lang ang dala kapag pumapasok sa Batasan Pambansa. Karaniwan dyan ay dalawa; ang isa ay kung saan siya nakasakay, at ang isa pa ay mga bodyguard niya ang sakay.

Kung minsan nga, dala-dalawang sasakyan ang back-up ng marami sa mga congressman eh, at madalas ding may tinatawag silang ‘sweeper’ o ‘yung sasakyang gigitgitin ang ibang motorista para umalis sa linya kung saan daraan ang sasakyan ng mambabatas at mga bodyguard nila.

Ganyang “kadisiplinado” ang convoy ng karamihan sa mga congressman lalo na ‘yung OA as in Overacting sa security na hanggang sa loob ng Batasan Pambansa Complex ay nakabuntot sila sa kanilang amo at halata mong mga ‘bantay’ sila dahil naka-uniporme sila na parang uniporme ng mga tauhan ng mga funeral parlor.

Saka sigurado bang ang nasa loob ng sasakyang may plakang 8 ay congressman, na kapag nasa lansangan na at kahit lumabag sa batas trapiko ay exempted sila sa huli, kapag binigyan nga sila ng exemption? Maraming sasakyan ng mga congressman na may protocol plate ang lumang-luma na at malamang ay hindi na sinasakyan ng mambabatas.

Saka parang nakahihiya naman sa ordinaryong mga motorista na nagbabayad din naman ng road user’s tax kada taon, at sila lang ang huhulihin kapag lumabag sila sa batas trapiko, hindi ba?

115

Related posts

Leave a Comment