RAPIDO NI PATRICK TULFO
MARAMI ang nagtaas ng kilay sa tila pagpa-power trip umano ni Vice President Sara Duterte sa pagdalo nito sa pagdinig sa Kongreso kaugnay sa kanyang 2025 OVP Budget.
Sa una pa lang ay nagpakita na ng pagkabrusko si Madam VP nang sabihin niyang hindi siya manunumpa dahil hindi naman umano siya isang witness bagkus ay isang resource person.
Hindi rin naman pinilit ng mga kongresista na patayuin si Madam VP dahil ayon kay Cong. Joel Chua, siyang chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, iginalang na lang nila ang posisyon ng pangalawang pangulo.
Pinanindigan din ni Madam VP na hindi siya papasakop sa isang imbestigasyon na hango umano sa mababaw na speech ni Cong. Rolando Valeriano na kumukwestyon sa mga pinaggamitan ng OVP sa kanilang budget.
Ayon tuloy sa mga beteranong brodkaster, lumalabas na ang pagiging spoiled brat ni Madam VP na matagal na umano nilang sinasabi na matigas daw talaga ang ulo na pati raw ang tatay nito na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay hindi nito sinusunod.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang isinasagawang pagdinig ng Kongreso sa hinihinging pondo ng OVP. Iimbitahin pa rin daw nina Cong. Chua si Madam VP sa mga pagdinig lalo na’t baka mayroon daw itong mga gustong sabihin upang mabigyan din siya ng due process.
Aabangan pa natin kung sino ang mananaig sa pondo ng OVP. Ibibigay na ba ng Kongreso ang pondo na hinihingi ng OVP o itutuloy ang pagtapyas sa pondong hindi naman umano maidepensa ni Madam VP.
151