TERORISMO GAWING OBSOLETE

FOR THE FLAG

Maaaring mas makatutulong sa buong mundo, maging sa mga terorista kung mamarapatin nilang tigilan na ang pag-iisip at pagsunod sa dikta ng terorismo.

Wala naman talagang buting maidudulot ang terorismo sa mundo. Oo nga’t kumikita ang mga terorista dahil ang nasa likod ng terorismo ay bilyun-bilyong dolyar na budget, subalit maaaring mas mainam ang kapayapaan na lamang ang pagtuunan na makakatulong pa sa kalusugan, kapahingahan at kaaliwan ng bawat isa, maging ng mga terorista.

Maaaring hindi rin naman talaga natutuwa ang mga terorista sa pinaggagagawa nila, na pera-pera lamang naman talaga na nagkukunwang relihiyon. Paanong relihiyon e mismong mga Muslim sa buong mundo ay kinokondena ang mga terorista na nagbibihis Islam.

Anong ideyolohiya? Nagpapanggap lamang ang mga terorista na kunwa’y may ideyolohiya ngunit pare-pareho lamang naman talagang tulisan ang mga ito.

Saludo ako at pinupuri ang ating mga kawal na nakikipaglaban sa mga kampon ng demonyong mga ito, mga tunay kayong Filipino na nagmamahal sa bansa, hindi katulad ng ilang mga pulitiko na imbes makatulong ay nakakadagdag kasiraan pa.

Nakakahiya ang gawi ng ilang politiko sa buong mundo, halatang-halata na nais lamang makagulo para lamang sa kanilang pampolitikal na agenda.

Gustong makapera ng mga terorista kapalit naman ang sariling kaluluwa na hindi magkakaroon ng kapahingahan sa mundong ito at maging pagdating sa mundo ng mga patay.

Sa pagkakasumpong ng mga nagme-meditate katulad ng mga Taoist at mga Zen Buddhist, ang naiisip ng tao ay hindi maaaring maging mismo n’yang pagkatao, ang tunay na pagkatao ay higit pa sa naiiisip. Ibig sabihin, ang terorismo ay sakit talaga ng utak na maaaring gamutin pa, hindi ng anomang kemikal kundi ng pangkamalayan na paggagamutan.

Ngunit kapareho ng lahat ng may sakit, kinakailangan munang aminin ng mga may karamdaman na may sakit sila bago pa man mas maging epektibo ang gamutan.

Hindi ideyolohiya ang gamot, kundi simpleng pagpapakatao lamang. Simple ngunit hindi ganon kasimple. Kailangang aminin muna ng may katawan ang karamdaman bago malalapatan ng angkop na gamot. (For the Flag / ED CORDEVILLA)

127

Related posts

Leave a Comment