TULONG PARA SA MGA ESTUDYANTE MULA KAY BICOL SARO CONG. BRIAN YAMSUAN!

TARGET ni KA REX CAYANONG

ISA sa mga pangunahing hamon na hinaharap ng maraming pamilyang Pilipino o magulang ay ang kakulangan sa kakayahan na pondohan ang edukasyon ng kanilang mga anak.

Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan sa paaralan tulad ng matrikula, school supplies, at mga elektronikong kagamitan, ang pagsasakatuparan ng edukasyon ay maaaring maging isang luho na lamang para sa mga pamilyang nasa ilalim ng kahirapan.

Sa pangunguna ni Bicol Saro Party-list Congressman Brian Raymund Yamsuan, isang panukalang batas ang inihain na layong bigyan ng limang porsyentong diskwento ang mahihirap na mga estudyante sa lahat ng antas ng pag-aaral.

Ang House Bill (HB) 1850, o ang panukalang Underprivileged Students’ Discount Act, ay naglalayong magkaroon ng mga hakbang upang mapagaan ang pasanin ng gastusin sa edukasyon ng mga kabataang Pilipino.

Ayon sa panukalang batas, ang mahihirap na mga estudyante ay maaaring makatanggap ng limang porsyentong diskwento sa pagbabayad ng matrikula, school supplies, at mga elektronikong kagamitan.

Dagdag pa rito, may kaparehong diskwento rin sila sa mga pagkain sa mga canteen, restaurant, at iba pang food establishments, pati na rin sa pagbili ng gamot sa mga botika.

Sa kabila ng pagpupunyagi ng maraming pamilya na tiyakin ang pag-aaral ng kanilang mga anak, ang kawalan ng sapat na kita ay nagiging balakid sa kanilang pangarap para sa magandang kinabukasan.

Ang HB 1850 ay naglalayong magbigay ng oportunidad sa mahihirap na mga estudyante na magkaroon ng pantay na access sa edukasyon at magkaroon ng mas magandang pagkakataon sa kanilang buhay.

Kabilang sa mga probisyon ng panukalang batas ang pagtukoy sa mga estudyanteng kwalipikado para sa diskwento, kung saan ang Department of Education (DepEd), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at Commission on Higher Education (CHED) ang itinalaga upang mag-screen at tumukoy kung sino ang mga dapat na makinabang sa nasabing programa.

Bilang suporta sa implementasyon ng batas, sila rin ang mangangasiwa sa pag-iisyu ng mga kaukulang ID card bilang patunay ng kwalipikasyon ng mga estudyante.

Higit pa rito, ang HB 1850 ay naglalaman ng mga kaukulang parusa para sa mga establisimyentong lalabag sa probisyon ng batas, na naglalayong tiyakin ang kahalagahan ng pagtupad sa mga patakaran.

Sa pangunguna ni Congressman Yamsuan at iba pang mga mambabatas, umaasa tayo na ang panukalang batas na ito ay maging sandigan sa pagsusulong ng edukasyong pangkalahatan sa bansa.

At sa pagbibigay ng diskwento sa mahihirap na mga estudyante, hindi lamang natin sila tinutulungan sa kanilang kasalukuyang pangangailangan, kundi binibigyan rin natin sila ng pag-asa at oportunidad para sa isang mas magandang kinabukasan.

43

Related posts

Leave a Comment