TULONG SA MAGSASAKA SERYOSOHIN

EDITORIAL

NILAGDAAN ng Vietnam at Pilipinas ang rice cooperation trade agreement nang bumisita si President Ferdinand Marcos Jr. sa Vietnam kamakailan.

Sa ilalim ng Rice Trade Cooperation agreement, susuplayan ng Vietnam ang Pilipinas ng 1.5 milyon hanggang 2 milyong metric tons ng bigas kada taon sa susunod na 5 taon.

Ang MOU ay bilang tugon sa kakapusan ng bigas sa Pilipinas.

Sa datos mula sa Department of Agriculture, may patlang na 300,000 metric tons sa pagitan ng produksyon at konsumo kung saan nasa kabuuang 13.2 milyong metric tons ang produksyon kumpara sa tinatayang 13.5 milyong metric tons na konsumo.

Importasyon ang sagot ng gobyerno sa pagbaba ng antas ng rice self-sufficiency ng bigas sa bansa.

Ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng bigas ay banta sa seguridad ng pangunahing pagkain ng mga Pilipino kaya dapat pinagbubuti ang mga paraan at sistema para tuluyang maiwasan ang pag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa.

Inaasahang mananatiling mangunguna ang Pilipinas sa listahan ng rice importer sa buong mundo ngayong taon.

Sa datos ng PCO, nasa 90% ng inangkat na bigas ng Pilipinas ay galing sa Vietnam.

Ayon sa United States Department of Agriculture, ang Pilipinas ay inaasahang aangkat ng 3.8 million metric tons ng bigas ngayong taon, mas mataas sa 3.22 million metric tons na inangkat noong 2023.

Responsibilidad ng pamahalaan na tiyaking may sapat na suplay ng pagkain sa mamamayan.

Sana unahin ng gobyerno na bigyan ng importansya ang agrikultura sa bansa.

Tinatawag na agri country ang Pilipinas, ngunit laging isinusulong ng pamahalaan ang pag-angkat ng pagkain. Sa halip na tayo ang magbenta ay tayo ang bumibili.

Papatayin ng importasyon ang industriya ng agrikultura sa bansa. Mawawalan ng interes ang mga magsasaka na magbungkal ng lupa, na maaaring humantong sa pagbebenta ng sakahan.

Mabubura ang bansag na agri country, na testamento na ang pag-asenso ng Pilipinas ay hindi inaasa sa agrikultura kundi sa nagtatayugang istruktura, mahahabang mga tulay at nagsusulputang mga siyudad at urbanidad.

Sana silipin ng pamahalaan ang halaga ng mga nagtatanim para may pagkain ang taumbayan.

32

Related posts

Leave a Comment