(Huling bahagi)
Baka nalulunod na kayo sa usapang ulan na ito. Kaya’t sisikapin kong tuldukan na ito ngayon.
Biyaya man o sumpa ang ulan, nakasalalay sa anggulo ng tumatanaw, o perspektibo, pati na rin sa panahon at pagkakataon.
Biyaya ito sa mga magsasakang nakadepende ang pagtatanim sa tamang ulan, sumpa kung labis-labis dahil malulunod ang mga pananim. Mas masaklap kung darating sa halos panahon na nang anihan.
Pag sobra ang init sa tag-araw, tila oasis itong maituturing, mainam na pampasigla sa mga nalalantang buhay. Maganda rin itong dahilan ng pamamahinga para sa mga taong sobrang siksik at demanding ang mga gawain sa pang-araw-araw. Forced leave, ika nga.
Ngunit lumalabas din sa mga pag-aaral na para sa ilang mga taong may vulnerability, maaaring magbunsod ito ng isang uri ng depresyon: ito ay ang tinatawag na seasonal affective disorder (SAD). Ito ay labis na pagkalungkot na dulot ng panahong madilim o makulimlim at kadalasan ay natitigil ang mga normal na daloy ng buhay.
Bagama’t hindi gaanong isyu ito para sa atin dito sa Pilipinas dahil mas madalas naman ay sumisikat ang araw sa ating mga buhay.
Para sa mga taong mahilig gumala o mag-ikot at ‘di sanay mamalagi sa loob ng bahay, minsan ay nagdudulot din ng frustration ang limitasyong dulot ng masamang panahon.
Mas mahirap ding makaangkop marahil sa limitasyon sa kilos na dulot ng ulan ‘yung mga hindi gaanong creative mag-isip. Pero kung malikhain ka, mayroon at mayroon kang makikitang makabuluhang aktibidad kahit nasa bahay ka lang.
Panahon ng dengue ngayon. Gamitin ang oras na linisin ang mga pinamamahayan ng lamok sa paligid dahil mas epektibo ito kaysa fumigation na palyatibo lamang ang epekto, o kaya’y itinataboy lamang sa ibang lugar ang mga lamok.
Sa maghapong ito, mas naging produktibo ako: nakatapos ako ng ilan ng artikulo para sa column ko. Ginagawa ko ito habang naglilinis sa kusina, at ‘yung mga bahagi ng bahay na mahirap minsan ayusin sa isang regular at hitik sa sked na araw.
Hindi naman kasi kailangang sa labas o mga pasyalan lagi ang bonding ng pamilya. Minsan, ang tila frozen time sa loob ng bahay ay pinakamainam na timing para sa mga madalang nang mangyaring family conversations. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)
378