USAPANG UNCLOS, EEZ, ECS AT HOUSE BILL 5487

SIDEBAR

Kamakailan ay naging isyu ang mga pagpasok nang walang paalam sa karagatan ng Pilipinas ng mga barko ng China kabilang na ang mga pang-komersyal at pangmilitar.

Walang kapasidad ang ating Sandatahang Lakas na i-monitor ang mga sinasabing “maritime incursions” ng Chinese vessels sa ating karagatan at nagdedepende na lang ang Department of National Defense (DND) sa mga impormasyong nanggaling sa “independent sources” na may access sa satellite photos.

Isa na rito ang blogger US Naval War College na si Ryan Martinson na may access umano sa satellite photos mula sa AMTI at siyang pinanggalingan ng impormasyon hinggil sa mga paglabag umano ng China sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) tuwing naglalayag ang mga barko nito sa karagatan na malapit sa Pag-asa Islands at maging sa Benham Rise na nasa eastern seaboard at Sibutu Pass sa Mindanao.

Ang problema sa mga komentaryo ni Martinson ay halatang anti-China ang kanyang pananaw kung kaya pilit niyang ipinipinta ang Chinese fishermen, Chinese Navy at Chinese observation ships na may masamang intensyon sa pagpasok sa karagatan ng Pilipinas.

Nakakadagdag ito sa kaguluhan dahil dito lang nagbabase ang DND sa kanyang mga opisyal na pahayag imbes na makipagkoordina muna sa mga eksperto sa UNCLOS sa Department of Foreign Affairs at sa Department of Justice bago magsalita sa harap ng media.

Mas malalim na sugat ang nalikha nito sa relasyon ng Republika ng Pilipinas at Peoples Republic of China lalo pa’t gumanda ang relasyon sa pagitan ng dalawang bansa sa ilalim ng gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Mabuti na lamang at maagap ang naging klaripikasyon ng pangulo hinggil sa ano ang dapat na panuntunan ng mga banyagang barko habang pumapasok sa iba’t ibang distansya ng ating karagatan na nasa loob ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ) at Extended Continental Shelf (ECS) gaya ng itinatadhana sa UNCLOS.

Matagal na dapat nagkaroon ng batas hinggil sa Archipelagic Sea Lanes Passage na magbibigay kapangyarihan sa pangulo ng bansa na mag-designate ng sea lanes kung saan puwedeng duman ang mga foreign merchant ships at warships nang hindi kailangang magpaalam sa Philippine authorities.

Ang problema lang ay matagal ng nakabinbin ang House Bill 5487 na magpapatupad sa probisyon ng UNCLOS na nagsasabing “in the exercise by foreign merchant ships and warships of innocent passage thru the territorial sea or archipelagic waters (hence including Sibutu Passage), the coastal state cannot require prior permission or prior notification.”

Wala na sanang problema ang kasalukuyang administrasyon sa kung matagal ng naging batas ang HB 5487. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

119

Related posts

Leave a Comment