BISTADOR ni RUDY SIM
TILA malapit na raw sumambulat na parang Bulkang Pinatubo ang pilit nang pinatatahimik na sikreto tungkol sa recognizance ng 41 foreigners na hinuli ng Philippine Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), sa kanilang case-build up and apprehension sa alleged POGO hub sa bayan ng Bagac, Bataan.
Sa mga hindi pa ipinanganganak taong 1991, pilit na ginawan ng paraan ng mga sundalong Amerikano sa Subic na pigilan ang pagputok ng Pinatubo na kilala sa kasaysayan bilang pinakamalakas na pagsabog sa 20th century. Ganoon pa man, sa kabila ng makabagong siyensiya at pamamaraan, hindi rin nagtagumpay ang mga sundalo at siyentipiko na patahimikin ito na nagresulta sa pagkalagas ng base militar sa Subic at Clark. Tulad din ‘yan ngayon sa misteryo ng ilegal na recognizance sa nalalapit na pagputok na hindi kayang pigilan.
Sino nga naman ang maniniwala na usapang kape-kape lang ang diskarteng ito ng kasalukuyang si Kume Vayad-o at ng isang kilalang kongresista na malapit sa Pinatubo? Para sa kalinawan ng mga walang alam, ang proseso ng recognizance due to indigency ay mapatutunayan lamang sa pamamagitan ng sertipikasyon ng kanilang embahada na qualified to be indigent ang isang foreigner. Kinakailangan din na kalakip nito ang medical and NBI clearance na kasama sa requirements upang sila ay swak for approval. Kinakailangan din na mag-comply sila sa reportorial requirement na dapat silang lumutang kasama ang kanilang sponsor kada 2 linggo sa intelligence division o kung saan man sila i-obliga ni Kume.
Paano nila bibilugin ang mga ulo ng mga anak ni Juan na pagkatapos na sila ay masakote nitong katapusan ng Oktubre ay mas matulin pa sa kotseng Lamborghini ang approval ng request ni Cong na i-under recognizance ang 41 katao sa loob lamang ng isang linggo? Sinabi ng kongresista sa isang interview na nahihiya raw siya dahil investor nila sa kanilang probinsya ang may kargo sa foreigners! Well, totoo kaya ang marites na ang pinamumugaran ng Business Processing and Outsourcing (BPO) company kung saan galing ang 41 banyaga, ay hindi na sakop ng freeport zone dahil ang bayan lang ng Mariveles ang may jurisdiction dito?
So, nasaan ang clearances ng mga banyagang ito? Nasaan ang hustisya ng sambayanan, your honor?
Malinaw din na naghahanap ng hustisya ang Operations Order No. SBM-2015-010 alinsunod sa Section 43, CA 613 ng Philippine Immigration Act of 1940, na dapat ay may kalakip na legal documents o requirements na kinakailangan upang sila ay maging qualified sa exemption ng pagbabayad ng piyansa. Sayang naman at dapat sana ay pasok ito sa kaban ng pamahalaan at hindi swak sa bulsa ng iilan. Kasong undesirability na isinampa under the guise of indigency para libre? Que Horror!
Ano ngayon ang masasabi ng mga may akda ng Order of Bail na isang Atty. Neil Ganias, na sinang-ayunan naman ni BI Legal Chief Arvin Santos? Nakapiring ba ang mga mata n’yo nang pumirma, mga panyero? Paano niyo ngayon idya-justify ang inyong resolution matapos makakuha ng P112.3 milyon sa vault na binuksan ng mga taga-PAOCC? ‘Yan ba ang indigents mga amigo? Naku, ayaw ni Madam Senador Risa Hontiveros ng ganyan! Ngayon pa lang mag-soul searching na kayo bago pa man kayo i-contempt ng Senado!
Bago ang ating pagtatapos, kumusta na kaya ang compliance ni Kume sa kautusan ng Malacañang na i-deport ang 41 na mga anak ng Diyos? Saang lupalop kaya ni Barabas hahagilapin ang mga pinakawalan, aber? Mangyayari lamang ‘yan kung agaran na ikansela ng BI ang recognizance sa kanila at i-fast track ang summary deportation upang hindi na uminit ang bumbunan ni Pangulong BBM sa kanyang bagong appoint na si Kume!
Susme! Kauupo lang pasaway na ha!
Madam First Lady, nangangamoy balasahan na ba uli sa BI?
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
94