HINDI eksperto ang inyong DPA as in Deep Penetration Agent sa usapin ng national security pero bilang Filipino mayroon akong sariling opinyon at mga katanungan na alam kong hindi lahat ay sumasang-ayon hinggil sa plano ng gobyerno na buwagin ang Philippine – US Visiting Forces Agreement (VFA).
Kapag tuluyan bang nawala ang presensya ng mga Amerikano sa Pilipinas, ang papalit ba ay ang People’s Liberation Army (PLA) ng China na matalik na kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte?
Hindi iyan malayong mangyari dahil sa ‘magandang relasyon’ ni Duterte sa China sapagkat habang binabakbakan nito ang Amerika ay panay ang puri naman niya sa China na nangakong pauutangin siya para sa kanyang dream projects.
Hindi ko naman masisisi ang mga pabor sa pagbuwag sa VFA dahil deka-dekada na nating kaalyado ang Amerika at napakarami nang military agreement na napirmahan at umiiral na pero mga pinaglumaang military hardware lang ang ibinigay nila sa ating Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ang hindi ko alam ay kung papaano tatanggapin ng mga Filipino sakaling papalitan ng PLA ang US military sa ating bansa dahil kahit minsan hindi lumabas sa survey na mas nagtitiwala ang Pinoy sa China kumpara sa Amerika.
Hindi ko naman masisisi ang ating mga kababayan na mawalan ng tiwala sa China dahil mula 1995 ay sinakop nila ang ating mga reef sa West Philippine Sea na tinayuan nila ng kanilang military bases at naka-deploy na doon ang kanilang mga military hardware. Kaibigan daw natin sila pero ginugulangan at iniisahan tayo.
Sabi nga ni Pangulong Duterte, huwag galitin ang China dahil sa loob ng 7 minuto ay kaya nilang durugin ang Metro Manila. Iyon ay marahil bunga ng mga report na nakaumang sa atin ang kanilang missles sa West Philippine Sea.
Tuluyan na ring kinontrol ng China ang Scarborough shoal at itinataboy na nila ating mga kababayang mangingisda sa loob ng ating teritoryo at base mga report, sinisira na ng Chinese fishermen ang mga coral reef doon, sa madaling salita itinataboy tayo mula sa sarili nating bayan. Masakit yun!!
Kung talagang ayaw ng gobyerno ay dapat huwag nang gumawa ng mga bagong military agreement sa kahit anong bansa lalo na sa China o kahit sa Russia na isa rin sa kaibigan ni Duterte.
Kung ayaw natin na pinakikialaman ng ibang bansa, nararapat lamang na walang bagong military agreement na mabubuo lalo na sa China dahil tiyak na papalag at papalag ang mga Filipino.
Oo, papautangin tayo ng China para maitayo ang mga proyektong magpapaunlad sa ating bayan pero hindi ba’t utang pa rin yun. Babayaran natin lalo na ang mga susunod na henerasyon.
Teka, magkano na ba ang naipautang ng China sa Pilipinas? Patapos na ang termino ni Pangulong Duterte pero wala pa tayong impormasyon kung naibigay na ba lahat ng mga ipinangakong pautang?
165