WALANG TUBIG!

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Nakakainit talaga ng ulo ang pagkawala ng tubig sa NCR at ilang bahagi ng Rizal at Cavite. Ang init na nga ng panahon, nawawalan pa ng tubig!

Ang libu-libong kabahayan na nawalan ng tubig nitong nakaraang linggo ay ang mga sineserbisyuhan ng malalaking water concessionaires na Manila Water at Maynilad. Dalawang araw o higit pa na walang tubig, ang malala pa, sa ibang lugar ay walang abiso. Hindi tuloy nakapaghanda ni panligo o pang-inom ang ilan nating kababayan.

Ngunit bakit nga ba nawalan ng tubig? Taun-taon naman ang tag-init sa Pilipinas ngunit tila la­ging nasosorpresa ang mga kompanya ng tubig na ito. Hindi na uubra sa mamamayan ang kanilang paliwanag na kesyo may El Niño kaya walang tulo sa gripo. Unang-una, ang El Niño phenomenon ay isang predictable weather phenomena. Ibig sabihin, malalalaman na mangyayari ang El Niño ilang buwan pa man bago ito mangyari. Kung gayon, napakahaba ng panahon upang paghandaan ito ng ating mga water concessionaires.

Ang pinapangambahan ng Bayan Muna ay ang paggamit sa diumano’y kakulangan sa tubig upang magsagawa ng mga dambuhala at mapanirang dam sa ating bansa. Halimbawa, ang Kaliwa-Kanan Dam ay nakaambang gawin sa pagitan ng Rizal at Quezon Province, na wawasak sa libong ektaryang kabundukan at tirahan ng mga katutubong Dumagat at Remontado. Gagawin ito upang tugunan ang diumano’y kakulangan ng tubig sa Maynila. Ngunit, ang katotohanan ay hindi kulang ang tubig, kundi nais pagkakitaan ng iilang negosyante ang pagtatayo ng malaking dam.

Dapat imbestigahan ang mga water interruptions na ito, at manatili tayong mapagbantay. Kailangan nating papanagutin ang mga water concessionaires sa kanilang hindi mahusay na serbisyo. Gayundin, kailangan nating linawin na hindi krisis sa tubig ang a­ting pangunahing suliranin, kundi ang pagsasa­pribado ng mga napakahalagang serbisyo publiko tulad ng tubig at kuryente. Aba, mahal na nga, hindi pa mahusay! Serbisyo sa tao, huwag gawing negosyo! (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

170

Related posts

Leave a Comment