WEDER-WEDER NA LANG BA?

PARANG sinat na naging lagnat na dumapo muli ang diskusyon tungkol sa init ng panahon. Bumalik dahil ramdam ang epekto, ngunit biglang mawawala at ipapalit ang bersyon ng tag-ulan. Pana-panahon o nasa tiyempo ng klima ang asta ng ilang mambabatas at mga lider ng pamahalaan sa pagbigay ng solusyon sa problema na dala ng klima, pero walang mailatag na solusyon at magkakatuwang na tugon.

Dahil sa epekto ng tag-init sa kondisyon ng mga estudyante at guro, iminungkahi ni Sen. Win Gatchalian na ibalik sa Abril at Mayo ang school break dahil maraming estudyante at guro ang idinadaing ang matinding init ng panahon.

Pero walang plano ang Department of Education (DepEd) na ibalik sa Abril at Mayo ang bakasyon ng mga estudyante. Pahabol ng ahensiya, bibigyan ng atensyon at pag-aaralan ang mungkahing ibalik ang school break mula Abril hanggang Mayo.

Pag-aaralan ang suhestyon, ngunit pagdating ng tag-ulan, mababasa ang pinag-aaralan hanggang manlamig at hintayin muli ang tag-init para muling talakayin.

Sala sa lamig, sala sa init kaya ang hirap bigyan ng tamang aksyon ang mga suhestyon at persepsyon. Parang hinahamon at kinakantiyawan ng problema ang solusyon dahil puro katwiran at palusot ang inilalatag sa halip na resulta.

Paliwanag naman ni DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa, maaaring magpasya ang mga pinuno ng eskwelahan na suspendihin ang in-person classes at gumamit muna ng blended learning kung sa tingin nila ay hindi kaaya-aya sa pag-aaral ng mga bata ang kapaligiran at ang matinding init ng panahon.

Ito lang ba ang kayang gawin ng DepEd?

Pero, tiyak pag-iinitan ang grupo ng mga guro na sumama sa panawagang ibalik ang school calendar sa pre-pandemic schedule nito dahil sa mga kahirapang naengkwentro ng mga guro at estudyante sa mga buwan ng summer.

Sa online survey mula Marso 24 hanggang 27 ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na nilahukan ng higit 11,700 public school teachers, 87 percent ay may mga estudyante na hindi makatutok sa mga aralin dahil hindi makayanan ang matinding init sa classrooms.

Nasa 37 percent ang nagsabi na ang summer heat ang sanhi ng medical conditions ng mga teachers at estudyante. Marami ring estudyante ang lumiliban sa klase. Batay sa survey, ang mga classroom ng karamihan sa mga respondent teacher ay umaasa sa electric fans para sa ventilation.

Iminungkahi ng survey respondents ang iba’t ibang paraan bilang tugon sa problema,tulad ng paglalagay ng air conditioners sa classrooms, pagpapalit ng class schedules para makaiwas sa pinakamainit na mga oras, at pag-implementa ng blended learning.

‘Yan ang dapat na gawin agad ng DepEd habang pinag-aaralan ang balik-sa-dati na pasukan kada taon.

Siguro hindi na unrealistic at imposible ang mungkahi ng grupo. Kaya lang sa pangalan pa lang ng grupo, hindi kaya may uminit ang ulo?

Huwag masyadong alalahanin ang init ng ulo. Ang init ng panahon tutukan nyo.

448

Related posts

Leave a Comment