WHAT IF BUHAY PA SI MARCOS SR.?

 BISTADOR ni RUDY SIM

MAKALIPAS ang ika-37 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution na nagpabagsak sa pamahalaan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ay tila napako na sa kasaysayan ang tunay na diwa ng pagkakaisa upang maiangat ang uri ng pamumuhay ng maraming Pilipino na hanggang ngayon ay umaasa pa rin sa OPM na pangako ng mga pulitiko.

Bagamat si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang lider ngayon ng ating bansa ay hindi naman kaila na malaki pa rin ang ginampanan ng pangalan ng kanyang ama noong nakaraang halalan na ipinaglaban ng higit 31 milyong Pilipino upang muling maibalik sa palasyo ng Malakanyang ang pamilya Marcos na inapi at sinira sa kasaysayan ang kanilang pangalan.

Marami sa ating mga kababayan ay nagtatanong ng “Paano kung hanggang ngayon ay nabubuhay pa si Marcos Sr.?” Matutuwa kaya ang dating pangulo at ama ni PBBM sa kaliwa’t kanang kapalpakan ngayon ng gobyerno upang labanan ang korapsyon at iba’t ibang suliranin na may kinalaman sa national security ng bansa kabilang ang hindi matapos na pag-bully ng Chinese coast guard sa ating mga magsasaka.

Ang sugar importation na isinisi kamakailan kay dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez ay unti-unti nang nabibigyan ng linaw na walang kinalaman ang dating opisyal na naging loyal lamang sa Pangulo, na sinalo lahat ng pambabato upang maprotektahan si PBBM.

Matatandaang naging boses ni PBBM noong panahon ng kampanyahan si Rodriguez na nakipaglaban sa lahat ng mga mapanirang akusasyon ng mga kalaban sa pulitika nito ngunit sa isang iglap lamang ay tinalikuran ni PBBM ang taong naging tapat sa kanya dahil lamang sa sulsol ng mga nakapaligid sa pangulo.

Kung si Adan ay nagkasala sa ating panginoon dahil sa tukso ni Eba ay tila ganito rin ang siyang mangyayari kung hahayaan ni Baby Em ang mga isyung kumakalat na si First Lady Liza Araneta Marcos ang nakikialam sa paglalagay ng appointees sa gobyerno na siyang nauna naman nitong itinanggi. Hanggang pumutok ang isyu naman ng pagkakasangkot ng kapatid ni First Lady sa smuggling?

Wala pang isang taon sa puwesto si PBBM ngunit nakakawindang na ang nangyayari sa gobyerno. Ano kaya ang pinagtutuunan ng pansin ngayon ng pangulo upang maihatid nito sa 31 milyong Pilipino na bumoto sa kanya, ang kanyang mga naipangako noong kampanya na muling palalakasin ang ekonomiya ng bansa.

Kapansin-pansin na tahimik at hindi nakikialam sa pulitika ang dating unang ginang na si Imelda Romualdez Marcos. Kung nabubuhay pa kaya si Marcos Sr. ay hahayaan kaya nito si PBBM sa mga maling galaw ng pamahalaan?

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

172

Related posts

Leave a Comment