KARANIWANG nangyayari sa panahon ng kampanya na nilalagyan ng election materials ng mga kandidato tulad ng naglalakihang tarpaulin, ang mga puno bukod sa poste ng kuryente at bakod ng mga kabahayan.
Palagay ko, hindi ang mga kandidato ang gumagawa niyan kundi ang kanilang supporters na hindi napaalalahanan na huwag maglagay ng election materials sa mga puno.
Marami pa rin akong nakikitang mga puno sa Metro Manila na kinabitan ng mga tarpaulin, hindi lamang ng national candidates kundi ng local candidates na maagang nangangampanya kahit sa Marso 25 pa ang simula ng kanilang kampanya.
Kung nangyayari ‘yan sa Metro Manila, palagay ko mas maraming puno ang naisasakripisyo sa mga probinsya kaya dapat paalalahanan ng mga kandidato ang kanilang supporters na ilibre ang mga puno.
Mantakin n’yo ha, ipinapako ang mga tarpaulin sa mga puno. May buhay ang mga ‘yan na dapat ding pangalagaan at huwag saktan dahil dekada ang binibilang bago lumaki ang isang puno.
Saka alam niyo ba, hindi gaanong nakatutulong ang mga tarpaulin para manalo ang isang kandidato? May pag-aaral na 4% lang ang naitutulong ng election materials lalo na ang tarpaulin sa election bid ng isang kandidato.
Masyadong mahal ang tarpaulin dahil ang halaga niyan ay P8 ang bawat square foot, pinakamababa na iyan na hindi dapat gastusan ng mga kandidato dahil sayang lang ang pera nila.
Baka puwedeng ilimita na lang ng mga kandidato ang kanilang paggamit sa mga tarpaulin dahil hindi naman pala gaanong nakatutulong para matiyak ang panalo ng isang kandidato.
Bukod dyan, maraming tarpaulin ang itinatapon lang pagkatapos ng halalan kaya dagdag lang ‘yan sa napakalaking problema natin sa basura at hindi ‘yan basta-basta natutunaw.
May mga nakikita rin akong election materials na gawa sa plastic dahil mas mura daw ‘yun kumpara sa tarpaulin na lalong hindi matutunaw kaya dagdag problema ‘yan sa ating kalikasan na dapat pangalagaan ng mga kandidato.
Wala ring programa at sistema para sa paghahakot ng election materials pagkatapos ng halalan kaya sana ilimita na ng mga kandidato ang paggamit ng tarpaulin at mga plastic sa kanilang kampanya.
Digital na ang lahat ngayon kaya dapat sumabay na lang sila sa pagbabago ng panahon dahil hindi naman pala siguradong mananalo ang isang kandidato na maraming election materials.
235