OPISYAL NG ELECTRIC COOPERATIVE NILIKIDA

ORIENTAL MINDORO – Sa loob ng pagamutan nalagutan ng hininga ang isang opisyal ng Oriental Mindoro Electric Cooperative (ORMECO) matapos siyang tambangan ng hindi pa nakikilalang suspek makaraang lumagda sa isang kasunduan hinggil sa solar power supply noong Biyernes ng gabi sa bayan ng Pinamalayan, ayon sa ulat ng pulisya.

Sa ibinigay na impormasyon sa media ni PLt. Col. Joel Paningbatan, hepe ng Pinamalayan Police Station, kinilala ang biktimang si Tony Mendeja, 64-anyos, miyembro ng ORMECO board of directors na kumakatawan sa munisipalidad ng Bongabong at Bansud.

Lumiitaw sa paunang imbestigasyon, sakay si Mendeja ng kanyang Isuzu D-Max pick-up truck nang pansamantalang huminto ito sa gilid ng kalsada sa Barangay Del Razon bandang alas-8:30 ng gabi para suriin ang kanyang sasakyan.

Dito umano dumating at lumapit ang hindi pa nakikilalang gunman na nakasuot ng puting T-shirt at sakay ng itim na motorsiklo at binaril sa tagiliran ang biktima.

Kasalukuyang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng suspek at ang motibo sa pamamaslang.

Nabatid na galing ang biktima ng Calapan City kung saan siya dumalo sa memorandum of agreement signing para sa solar lights project.

Nabatid na nitong huling bahagi ng 2025, ang ORMECO ay naharap sa ilang power supply issues, kabilang ang pagsisikap para ma-upgrade ang pasilidad at pangasiwaan ang mga kontrata sa independent power producers.

May previous governance issue rin umano ang ORMECO, naharap sa ilang legal battles kaugnay sa kanilang management, hidwaan sa pagitan ng National Electrification Administration (NEA) at sa pagsisikap na gawin umano ito bilang “genuine cooperative” sa ilalim ng Cooperative Development Authority (CDA).

(JESSE RUIZ)

10

Related posts

Leave a Comment